Dahil sa nangyaring pag-atake sa concert ni Ariana Grande sa Manchester, England at maging sa Resorts World Manila, lalong paiigtingin ng mga awtoridad ang seguridad sa MOA Arena sa Pasay, na venue ng concert ni Britney Spears sa Huwebes.
Ayon sa GMA News "Balitanghali" report ni Bernadette Reyes nitong Martes, sinabing bantay-sarado na ang labas at loob ng venue ng concert.
Multi-agency ang mamamahala sa seguridad na kabibilangan ng tinatayang 200 security personnel at rescue teams, K-9 units, SWAT teams at anti-illegal drugs agents para matiyak ang kaligtasan ng mga manonood.
“We will use EOD and K9 unit para i-panel 'yung loob at labas pati perimeter ng concert grounds,” pahayag ni Supt. Tomas Apolinario, director ng Southern Police District.
Dagdag ng pulisya, mas mahirap ang pagpapanatili ng seguridad sa enclosed area kasya open grounds ng MOA Arena.
“May mga ipinagbabawal, like packages and bags na sarado, hindi [agad] puwede ipasok. You have to open it and let the security personnel inspect the contents of these packages or bags,” anang opisyal.
“Medyo tedious kaya we encourage [the] audience na dumating nang maaga para mas maraming time na mag-inspect. We ask for their patience,” mungkahi pa niya.
Nagsagawa ng ocular inspection sa lugar ang mga awtoridad para matiyak na hindi na mauulit ang insidente sa Resorts World, kung saan 37 katao ang namatay dahil sa suffocation matapos manunog ang isang gunman, na nasawi rin sa naturang trahedya.
Kabilang sa ginawang paghahanda ay ang pagsasanay ng fire evacuation plan at fire safety devices.
Excited na ang mga Pinoy fans sa gaganaping concert ni Britney. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
