Sa Starbites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, ipinakita ang malaking pagkakaiba ng "looks" ni Dennis na "rugged" bilang si Gabriel, na malayo sa kadalasan niyang hitsura na clean cut at dapper ang dating.
Kaya naman kitang-kita ang dagdag-angas ni Dennis sa kaniyang role.
"Dito naman simula ng 'Mulawin vs Ravena,' gusto ko yung total transformation talaga. Nagpahaba ako ng buhok, sinabay ko na dun pati 'yung acting ko na punung-puno ng grim. Gusto kong maalala nila 'yung lakas ng dating ng hari," paliwanag niya.
Dahil demanding ang mga eksena ni Dennis sa fantaserye na back-to-back ang mga harness at fight scenes, lagi raw nasa gym o nagpapapawis ang aktor nasa kondisyon parati at malakas ang kaniyang pangangatawan.
“Tumatakbo, nagbabasketball, nagbubuhat. Lahat ng puwede kong gawin para magpalakas at mag-improve,” dagdag niya.
Sa mga nagdaang episodes, isa-isa nang ipinakilala ang mga tunay na katauhan at motibo sa likod ng mga tauhan sa "Mulawin vs Ravena."
Ngunit hindi pa tukoy kung kontrabida ba o kakampi ng mga Mulawin ang role ni Dennis.
"Gusto ko maging palaisipan 'yun sa maraming tao. Pero very, very soon malalaman niyo rin," aniya.
"Ngayon makikita nila 'yung conflict kung ano ang mangyayari, kung bakit siya tinawag na Mulawin vs Ravena. Kung sino nga ba ang masasama at mababait," pahayag pa ni Dennis. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
