Malapit na ang ikalawang aklat ng primetime series na "Alyas Robin Hood" na pagbibidahan pa rin ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.

Sakabila ng pagiging busy sa kaniyang mga showbiz commitment, nabibigyan pa rin ni Dingdong ng oras ang kaniyang mga proyekto sa YesPinoy Foundation, ayon sa Starbites report ni Lhar Santiago sa "Balitanghali" nitong Miyerkules.

Sinabing pumirma si Dingdong ng memorandum of agreement sa Smile Cares para tumulong sa education at training ng out-of-school youth.

"Ang procedure na gagamitin ay yung steam education. Isa siyang tool na ginagamit sa ibang bansa para mabigyan namin ng education at saka kakaibang skills ang underprivileged youth natin," ayon sa aktor.

Bilang paghahanda naman sa pagbabalik ng pinagbibidahang niyang series na "Alyas Robin Hood," nagpapahaba ulit ng buhok si Dingdong.

"Basta mangyayari na 'yon very soon, so ako, sobrang excited na ako sa aming muling pagsisimula," saad ng Kapuso Primetime King.

Ngunit gaano man daw siya kapagod sa iba't-ibang proyektong ginagawa, gumagaan daw ang kaniyang pakiramdam sa piling ng kaniyang mag-inang si Primetime Queen Marian Rivera at baby Zia sa kaniyang pag-uwi.

"Pinakamahalaga ay 'yung pagmamahal sa pamilya, 'yung binibigay nila sa akin at 'yung inspirasyon na binibigay nila sa 'kin at 'yung pagmamahal ko sa kanila," saad ni Dingdong.-- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News