Tuloy na tuloy na ang ikalawang yugto ng top rating primetime series na "Alyas Robin Hood." Nitong Huwebes, ipinakilala na ang mga bagong makakasama sa maaksyong seryeng pagbibidahan muli ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.

Sa story conference na ginanap sa GMA Network Center, kabilang sa mga bagong kasama sa "Alyas Robin Hood 2" sina Solenn Heussaff at Ruru Madrid.

Kasama pa rin sa serye sina Jaclyn Jose at Andrea Torres.


"Naging kasabay namin ang 'Alyas Robin Hood,' nakikita ko rin na sobrang ganda ng takbo ng istorya. So pagkatapos ng 'Encantadia,' sobrang suwerte ako na naging parte ako ng show na ito. Kaya sobrang thankful ako na napabilang po ako sa malaking programa na ito," pahayag ni Ruru.

Inamin naman ni Solenn na magiging hamon sa kaniya ang gagampanang ng role sa Alyas Robin Hood 2.

"I'm very happy to be a part of this... I think it's gonna be a challenge for me but excited. 'Yung family ko ngayon, si Ruru lang from 'Encantadia' but I think we're gonna adapt pretty well. I hope you put up with my kalokohan," anang aktres.

Matatandaang muling nag-renew si Solenn ng kontrata bilang Kapuso nitong Hulyo at sinabi niyang excited siya sa kaniyang mga bagong proyekto.

Bagama't aminadong may kahirapan sa gagawing bagong proyekto, nagbigay din ng welcome message ang direktor na si Dominic Zapanta para sa dalawa: "We welcome our two new friends (Solenn and Ruru). We hope you enjoy the family as well. Mahirap 'yung show, mahirap siyang gawin. We just try to keep it light. 'Pag hindi tayo nahirapan, hindi nangyayari. We created a 'playground,' this playground we owned."

Sinabi naman ng main aktor na si Dingdong na parang naging 'tahanan' na niya ang "Alyas Robin Hood":

"When you're home, it's really a different feeling. I would just like to share that this is the same feeling that I have dahil I know that I am amongst people that I have established a very good relationship with and the feeling is like being home.'

Patuloy niya, "And if you're home, if you've been deep with your love, 'pag kasama mo 'yung mga collaborators mo, 'pag kasama mo 'yung mga taong pinagkakatiwalaan mo, you are meant to do great things, and I can't wait to do this with you guys. Welcome sa inyo."

Pag-aamin naman ni Andrea, marami ang nabago sa kaniya mula nang gawin niya ang serye at napamahal na siya sa karakter niyang si Venus.

"I think lahat ng cast, masasabi na talagang itong show na ito, tinulungan kaming lahat sa mga career namin, iba talaga siya. Blessing na nangyari ito.  Balikan mo lang yung character na talagang napamahal sa'yo," anang aktres.

"Thank you very much at thank you po sa lahat ng mga writers at part ng show. I'm looking forward to work with Ruru, Solenn and kung sino pa po 'yung mga sasama sa 'ARH2,'" ayon pa kay Andrea.

Sinabi naman ni direk Dominic na hindi lang aksyon ang aasahan sa show na may kakaibang atake.

"There's a trickiness involved in doing the show, that's why we need everyone's full cooperation kasi 'yung show isn't just action... Meron siyang lightness. It still deals with the same controversies, same issues, pero iba 'yung atake," kuwento niya.

Matatandaan na natapos ang Book 1 na ipinakita ang pagkidnap kay Judy (Jaclyn), nanay ni Pepe (Dingdong) ng isang armadong grupo. Dahil dito, marami kaagad ang nag-isip kung magkakaroon ba ito ng kasunod na yugto.

Ang tanong na ito ay lubos nang nasagot sa ginanap na story conference.

Dapat naman abangan kung ano ang papel na gagampanan nina Solenn at Ruru. -- FRJ, GMA News