Kahit sikat na sa South Korea, inihayag ng Korean pop star na si Sandara "Dara" Park na may special place pa rin sa puso niya ang Pilipinas. Katunayan, ipinagtatanggol daw niya ang Pilipinas sa mga nagtatanong kung ligtas bang bumiyahe sa bansa.

Kamakailan lang, inimbitahan ng Korea Press Foundation ang GMA Network sa opisina ng YG Entertainment, ang talent management ni Sandara sa Seoul, South Korea, para makapanayam ang K-Pop star.

Ang YG rin ang may hawak sa mga sikat na K-Pop artists na sina Psy, Big Bang, at Black Pink at Korean drama superstars gaya ni Choi Ji-woo na bumida noon sa "Stairway to Heaven" at "Endless Love Winter Sonata."

Sa Starbites report ni Aubrey Carampel sa "Balitanghali," ikinuwento ni Sandara kung paano nagsimula ang kanyang dream na maging sikat na artista.

"I think I was eight years old when I first wanted to be a star and I saw someone on TV who was dancing and singing and it was YG, our boss. I said, 'Wow! I also wanna dance like him," pag-alala niya.

Bago pa maging K-Pop idol at miyembro ng K-Pop group na 2NE1, sumikat din si Sandara sa Pilipinas kaya naman may espesyal na puwang ang bansa sa kanyang puso.

Ilang beses na rin niyang ipinagtanggol ang Pilipinas sa mga nagtatanong kung ligtas bang bumiyahe sa Pilipinas.

"Someone was asking me, 'I booked my flight for Cebu but do you think it's safe to go?' I said, 'Yes, go!' I'm trying to tell them what I experienced and what I feel about the Pinoys, how friendly they are," anang singer-actress.

Babalik raw si Dara sa Pilipinas para ipakita ang ganda ng bansa sa sarili niyang YouTube channel na Dara TV na inilunsad lang kamakailan.

"Kita tayo very soon and maraming salamat sa suporta niyo sa akin, talagang wala akong masabi. Talagang mahal na mahal ko kayo," ayon kay Dara.

Kahit na-disband na ang dating kinaanibang grupo na 2NE1, abala na rin si Dara sa kanyang solo career.

Kaka-shoot lang niya ng movie version ng "Cheese in the Trap" kasama si Park Hae-jin, ang orihinal na gumanap na Winston sa Korean drama na "My Love from the Star," na ipinapalabas sa GMA Network.

"When I worked with him, I saw a different side of him because I thought he's smooth and gentle. But on the set, I saw his charisma," sabi ni Dara.

Ang hit TV series ang "Cheese in the Trap" sa Korea, ay nakatakda ring ipalabas sa GMA Network.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News