Bago sila makilala at idolohin ng fans, matinding ensayo at sakripisyo ang pinagdadaanan ng mga K-Pop idol. Ang ilan sa kanila, taon ang binibilang sa pagsasanay bago maisalang sa stage upang makapagtanghal.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nakilala niya sa South Korea ang lider ng K-Pop group na "Hotshot" na si Timoteo, na tumagal ng siyam na taon ang training bago siya naipakilala.

Marami rin umano ipinagbabawal ang dating talent agency.

Ang pinakamahirap umano na bahagi ng training period ay paghihintay kung kailan mailulunsad ang kaniyang career.

Nagkaroon din ng pagkakataon si Audrey na masilip ang training ng mga idol wannabee ng J-Flo Entertainment Ageny, isang talent management sa South Korea.

Ang mga baguhan na gaya nina Yun Min at Jin Kwon, maituturing na mapalad dahil matapos lamang ng mahigit isang taong training ay magde-debut sila ngayon taon.

Tinutulungan sila sa training ng mga senior idol gaya ni Timoteo, bahagi ng senior at junior system ng kanilang grupo.

Pero ayon sa CEO ng J-Flo Entertainment, hindi lahat ng mga sinasanay ay nabibigyan ng pagkakataong maging ganap na idol.

At mula sa 100 trainees, nasa lima o anim lang umano ang nagiging K-Pop idol. -- FRJ, GMA News