Bago naging bida at kontrabida sa mga pelikula at teleserye gaya ng "Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story," "My Husband's Lover" at "Encantadia 2016," nagsimula muna sa modeling ang career ng veteran actor na si Roi Vinzon.

Sa panayam ni Rhea Santos sa programang "Tunay Na Buhay," ikinuwento ni Roi na high school siya nang matanggap bilang modelo ng isang magazine.

"Nung high school ako, mahilig akong tumingin ng mga magazines, naiingit ako kasi sa mga modelo, ganyan. Ang ganda nila eh. Rumampa ako nang matagal."

"Sa mga film festival [naman], kami ang nag-entertain ng mga artista, hindi pa ako artista."

Noong mga panahong iyon, matalik na kaibigan na niya ang noo'y dancer ng Cultural Center of the Philippines na si Rez Cortez.

"Mabait at mayroong sense of humor. Maloko siya at palabiro. Siyempre, masarap sa barkada dahil nga marami siyang chicks kaya dumidikit na rin kami sa kanya," sabi ni Rez.

Unang napanood sa pelikula si Roi sa "Diabolika" noong taong 1970 at ito na ang simula sa paggawa niya ng pangalan sa showbiz.

"Sumunod-sunod na. Hindi ko alam kung saan ako talaga. Action ba o drama ba?"

Early 1980s naman nang may nag-alok kay Roi na magpa-sexy sa pelikula.

"Inofferan [offer] ako ng bold ni Elwood (Perez), ipakita mo lang 'yung behind mo. Du'n kasi ganu'n eh. Sabi ko I can't do that," anang aktor.

Minabuti raw ni Roy na tanggihan ito. Kalaunan, nakatanggap naman siya ng offer sa pelikulang aksyon, ang "The Moises Padilla Story."

Kasama ni Roi sa kaniyang henerasyon sina Da King Fernando Poe Jr., Rudy Fernandez at Bong Revilla, at Robin Padilla.

Hindi rin maipaliwanag ni Roi kung paano siyang nalinya sa action movie.

"Nag-e-ensayo lang ako, hindi ako masyadong mahusay sa fight. 'Yung mga stunts, pinag-aralan ko 'yon," kuwento niya na inaabot daw ng ilang taon.

Naimbitahan din si Roy na gumanap sa isang maliit lang sanang papel sa teleseryeng "My Husband's Lover" na inilabas noong 2013.

Pero nang sasalang na, hindi pa raw kabisado ni Roy ang kaniyang mga linya kaya nag-imbento na lang daw ng sasabihin ang beteranong aktor.

"'Galing!' (habang pumapalakpak) sabi ni direk. Sabi ko 'Okay pala dito, puwede ka magganito.' Sabi ko, 'Okay!' Kaya kaming dalawa ni direk, nag-usap kami, 'Direk pwede ba ito?' 'Okay, okay!'"

Labis din ang paghanga ng "I Heart Davao" star na si Tom Rodriguez sa beteranong aktor na nakasama niya sa "My Husband's Lover."

"Yung gusto ko kay tito Roi, laging organic 'yung reaksyon niya sa eksena. 'Pag may nararamdaman siyang pasok sa character na binuo niya, sasabihin niya. Sa'yo naman, hindi mo naman mararamdaman na adlib kasi nasa character talaga," paliwanag ni Tom.

Nakamit din ni Roi ang kaniyang dream role noong 2016 sa comedy-serye na "A1 Ko Sa 'Yo," na isang lihim na bading.

Sabi ni Roi, hindi niya inaral kung paano maging isang bading.

"Hindi naman, wala. Nag-obserba lang ako ng mga kasama ko dati," aniya.

Sa ngayon, napapanood si Roi bilang astig na si Haring Daragit sa Kapuso primetime series na "Mulawin Vs Ravena."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News