Level-up na aksyon, drama at comedy ang aasahan umano sa pagbabalik ng "Alyas Robin Hood" sa GMA Telebabad, at mga high tech equipment ang gagamitin.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng Kapuso primetime king Dingdong Dantes na parang pag-uwi sa bahay ang pagbabalik niya sa taping ng serye matapos ang limang buwang bakasyon.

"Alam mo 'yung pakiramdam na parang it feels like home, pati 'yung location pareho, 'yung lahat kasi talagang na-miss namin 'yung isa't-isa," kuwento ng aktor.

Muling masusundan ng mga manonood ang adventure ng karakter ni Dingdong na si "Pepe," kasama ang kaniyang mga dating kasangga at may mga bago ring makakasama.

"Si Solenn Heussaff, makakasama natin, Ruru Madrid, si Edu Manzano of course, so excited na excited na akong makatrabaho sila. Pero siyempre marami pa along the way na madadagdag," ani Dingdong.

Nagbabalik din bilang direktor ng serye si Dominic Zapata, na gumagamit ng mga mas high-end equipment at camera para lalong mapaganda ang production value ng "Alyas Robin Hood."

"It's called an Amira. Ito 'yung standard na ginagamit ng mga Koreanovela na pinapanood ninyo. 'Yung 'Descendants of the Sun', 'My Love from the Star," paliwanag ng batikang direktor.

"It's just part of our commitment to the audience to always bring them world class quality show," patuloy niya.

Asahan din na pananatilihin nila ang minahal ng fans na tamang timpla ng action, comedy at drama, na mas pina-level up.

"Twice the action, twice the comedy, twice the drama, twice of everything and even more," sabi ni Dingdong. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News