Mapapadpad sa mundo ng mga Mulawin at Ravena ang mga sang'gre ng "Encantadia" na sina Pirena [Glaiza de Castro] at Lira [Mikee Quintos].

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa "24 Oras" nitong Martes, sinabing excited na sina Glaiza at Mikee sa pagtawid ng kanilang mga karakter sa Kapuso hit series na "Mulawin Vs Ravena."

Ayon kay Glaiza, inakala niyang magbabalik siya sa drama nang matapos ang telefantasyang "Encantadia" kaya nagulat siya at natuwa nang sabihan siya tungkol sa "Mulawin vs Ravena."

Pero hindi lang nag-iisa si Pirena sa pagpunta sa mundo ng mga Mulawin at Ravena dahil makakasama niya ang pasaway na karakter na si Lira para sa isang misyon.

Sa totoo lang kinikilig talaga ako kanina habang sinusuot ko yung armor ko. Parang bata ako bumabalik ang eksena na noong nagsisimula kami," ayon kay Glaiza.

Sabi naman ni Mikee, "Siyempre hindi mawawala ang mga hirit ni Lira dito. Abangan niyo po ang punch line ni Lira."

Abangan kung saan papanig sina Pirena at Lira, kung sa mga Mulawin ba o sa mga Ravena. -- FRJ, GMA News