Muling pumirma ng kontrata nitong Huwebes at mananatiling Kapuso ang aktres na si Sunshine Dizon, na mas kilala ngayon bilang palabang misis na si "Emma" sa GMA hit afternoon series na "Ika-6 Na Utos."

 


Sa pagpirma niya ng kontrata, inihayag ni Sunsine ang labis na pasasalamat sa tiwalang ibinibigay sa kaniya ng GMA, na naghubog umano sa kaniya para mapaghusay ang trabaho niya bilang aktres.

"This has always been my home and it gives me great pleasure and security that I will be spending years with my family pa rin. Thank you very much Mr. Gozon and to everyone here from GMA for the trust they have continued to give me," saad ni Sunshine.

"Masasabi ko naman na ever since I started with GMA, talaga namang iningatan lahat ng projects na binigay sa akin at it really honed me as an actress. I always look forward to the stories that they give me kasi it always challenges me," dagdag niya.

Dumalo rin sa pirmahan ng kontrata sina GMA Network chairman and CEO Felipe L. Gozon, Entertainment SVP Lilybeth G. Rasonable, at talent manager ni Sunshine na si Perry Lansigan.

"There is always that mutual respect with things that I can do and cannot do. They've always taken good care of me talaga," dagdag pa ng aktres.

Kasabay nito, nagpasalamat din si Sunshine sa maraming viewers na palaging sumusubaybay sa hit-serye na "Ika-6 Na Utos."

"We're very happy, blessed and very thankful... Marami naman talagang shows [na may] magagandang kuwento, pero hindi lahat nagkakaroon ng ganu'ng klaseng hook. So we really owe it to the public. Thank you for your support," pahayag niya.

Patuloy pa ni Sunshine, "We will continue to do our jobs and we will continue to give you a good show to make your time worthwhile so maraming maraming salamat po, from the bottom of my heart for loving Emma and for rooting for Emma."

Bagama't matagal na rin sa industriya na umaabot na sa mahigit 30 taon, inamin ni Sunshine na marami pa siyang role na gustong subukan.

"Marami pa, kasi sabi ko nga, kahit naman drama 'yan, mapa-fantaserye, bida, kontrabida, it's always going to be a different character. Hangga't hindi pa nauubusan ng istorya, nandito pa rin tayo," aniya.

Dapat pa rin umanong abangan ang mas umiinit pang mga tagpo sa "Ika-6 Na Utos."

"Marami pang twist and turns at siyempre, hindi pa rin matitinag 'yung paglaban ni Emma, at ngayon dinagdagan pa nina Geneva at Georgia," patungkol ni Sunshine sa mga kontrabida characters nina Angelika dela Cruz at Ryza Cenon.-- FRJ/KVD, GMA News