Sa dinaluhang event para sa isang video-on-demand site na iflix nitong Huwebes, hiningan ng pahayag ang Queen of All Media na si Kris Aquino tungkol sa kinakaharap na problema ng kaniyang kuya na si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III tungkol sa madugong operasyon sa Mamasapano na ikinasawi ng 44 na tauhan ng Special Action Force.

 


Ayon sa TV host-actress, nananatiling matatag ang kanilang pamilya at sinusuportahan ang kapatid na si Noynoy sa kinakaharap nitong usapin matapos na bumaba sa kapangyarihan noong 2016.

Sa dami na rin umano ng problemang pinagdaanan ng kanilang pamilya na kanilang nalampasan, sinabi ni Kris na napatunayan nila ang kanilang pagkakaisa.

"I think, napatunayan namin that one, we are united, hindi kami nabubuwag bilang pamilya. Pangalawa, we've always been on the side of truth. Pangatlo, buo ang prinsipyo namin," aniya.

Inirekomenda kamakailan ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng reklamo laban kay Noynoy kaugnay sa Mamasapano operation noong 2015.

Kabilang sa mga pinuna ng anti-graft body ang pagsama umano ni Noynoy kay dating PNP Chief Alan Purisima sa operasyon kahit suspindido ito.

Pero paliwanag ng dating pangulo, kinonsulta lang niya ang dating opisyal tungkol sa operasyon kung saan napatay ang international terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.

Ayon kay Kris, matatag ang kaniyang kapatid at tiwala siyang malalampasan nito ang problemang kinakaharap.

"Kahit sino mayroong kang dadalhin na ano... pero matatag siya. And I think lahat ng puwede mong pagdaanan as a leader and post-presidency,napagdaanan niya. So alam ko rin talaga na, 100% akong naniniwala na he won't only survive this, he'll triumph over this," pahayag niya. -- FRJ/KVD, GMA News