Pumanaw na ang batikang talent manager at entertainment columnist na si Alfie Lorenzo sa edad na 78.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing kinumpirma ng pamangkin ni Lorenzo ang malungkot na balita.

Ibinalita rin ito ng kapwa niya talent manager na si Lolit Solis sa hiwalay na panayam sa radio dZBB.

Atake sa puso umano ang sanhi ng pagkamatay ni Lorenzo, na kabilang sa mga hinawakang artista ay sina Judy Ann Santos, Ruffa Gutierrez, Sunshine Cruz at iba pa.

Ayon kay Manay Lolit, nasa Solaire Resort and Casino si Lorenzo nang atakihin sa puso nitong Lunes ng gabi.

Isinugod siya sa San Juan De Dios Hospital sa Manila kung saan siya binawian ng buhay.

Ilalagak ang mga labi ni Lorenzo sa Arlington Memorial Chapels sa Quezon City at dadalhin din sa kaniyang bayan sa Pampanga.

Samantala sa isang Instagram post,  inihayag naman ni Judy Ann ang kalungkutan at humiling ng panalangin para sa kaniyang Tito Alfie.

 

 

????????????????

A post shared by Judy Ann Santos-Agoncillo (@officialjuday) on

 

Ikinalungkot din ng aktres na si Assunta de Rossi ang pagpanaw ni Alfie at mami-miss daw niya ang pagiging palabiro ng talent manager.

 

 

-- FRJ, GMA News