Ginulat ng Kapuso at Pambansang Bae na si Alden Richards ang ilang street sweepers at barangay tanod ng Cavite na binigyan ng pagkakataon na makapag-relax.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing timeout muna sa kanilang duty sa kalye ang mahigit 20 street sweepers at barangay tanod para makapagpamasahe at spa.
Pero ang akala nilang relaxation date kasama ang kanilang kapitana, dinagdagan ni Alden ng sorpresang pagbisita.
Napasigaw ang mga babae at may naiyak pa sa matinding kasiyahan.
"Surprise po. Kung baga itodo na natin yung pagpapa- relax sa mga kababayan nating mahirap ang trabaho everyday," ayon kay Alden.
"Na-surprise kami. Ang alam lang namin binigyan lang kami ng magandang dayoff ni kapitana na magpa-spa," kay Florencia Venildos.
Sabi pa ni Alden, ang kaniyang ginawa ay isang munting pasasalamat para sa malaking nagagawa ng community workers sa kanilang mga kababayan na hindi raw napapansin ng marami.
"Kung bigyan talaga ako ng opportunity na magkaroon ng ganitong activities kasi masaya siyang gawin, kasi its easy to do good to those people na like what I said mahirap ang mga trabaho everyday," ayon kay Alden.
Samantala, naghahanda na rin si Alden para bumiyahe niya patungong Houston, Texas, USA sa Biyernes ng gabi.
Excited na si Alden ma-meet ang Team Abroad sa kaniyang show na gaganapin sa Bayou City Event Center sa August 13 na hatid ng GMA Pinoy TV.
Ang isa pa raw na ikinaka-excite ni Alden sa pagpunta sa Houston ay ang mapuntahan ang space center na N.A.S.A.
"Exciting 'yun. Kasi astronaut talaga ang dream ko," ayon kay Alden. -- FRJ, GMA News
