Nakabalik na ng bansa ang Kapuso actor na si Ivan Dorschner matapos ang ilang linggong bakasyon sa Amerika para makasama ang kaniyang pamilya. Ayon sa aktor, sinulit niya ang pakikipag-bonding sa pamilya at food trip.
Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, ikinuwento ni Ivan kung gaano ka proud sa kaniya ang ama na pinapanood ang kinabilangan niyang serye na "Meant To Be."
"Kung proud siya dati, which is proud siya talaga, I think times two na, mahigit pa, nire-record niya lahat ng episodes ng 'Meant To Be,'" ayon sa aktor.
Dumalo rin si Ivan sa Sundance Next Festival sa California, kung saan mainit siyang tinanggap ng team abroad na ang tawag sa kaniya ay Ethan, ang karakter niya sa "Meant To Be."
Ayon kay Ivan, nais niyang sumabak sa comedy sa kaniyang susunod na project.
"Gusto kong dumaan sa comedy. Actually, comedy is much more difficult kaysa drama," saad niya.
Abala ngayon si Ivan sa rehearsals ng "Triplet" concert sa Music Museum na pangungunahan nina Manilyn Reynes, Tina Paner at Sheryl Cruz.
Kasama ni Ivan sa naturang concert ang mga ka-grupo niyang JEYA Boys sa "Meant To Be" na sina Ken Chan, Jak Roberto at Addy Raj.
Tiyak daw na kagigiliwan ng fans ang inihanda nilang performance.
"Ang rehearsals namin parang hangout session lang because yung mga song na pinapakanta sa 'min sobrang paswabe. Pero sa sobra, naging nakakatuwa," kuwento niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
