Itinuturing ni Miss Universe 2013 3rd runner up Ariella Arida na malaking biyaya ang maging co-host ng Kapuso game show na "Wowowin." Inihayag din niya na nami-miss niya dating kasamahan sa programa na si Super Tekla.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nahahasa ang hosting skills ni Ariella at iba pang co-hosts dahil sa programa na pinangungunahan ni Willie Revillame.

Sa naturang game show, mayroon silang mga bagong segment at pakulo kada buwan, at patuloy ang pamimigay ng mga papremyo.

Maliban sa mga papremyo, pinapasaya rin ng "Wowowin" ang mga manonood sa iba't ibang pagtatanghal pati na ang mga katatawanang hatid ng mga host tulad ni Tekla.

Gayunman, kabilang si Tekla sa mga host na nawala na sa programa.

"Oo naman. In fairness naman, we still have connection with Tekla from time to time. Mahilig kasing mag-Facebook live yun eh, so kami yung mga audience niya ru'n, viewers," ayon kay Ariella.

Dahil din sa exposure niya sa "Wowowin," sinabi ni Ariella na mas dumami pa ang kaniyang mga endorsements. 

At dahil batid niya na hindi panghabambuhay ang showbiz, sinisimulan na ni Ariella ang mag-invest sa negosyo. Sa tulong naman ito ng kaniyang fellow beauty queen na si Miss Universe 2011 third runner up Shamcey Supsup.

"Support din kay Sham, buti nga I'm so thankful kasi naisip nila na, siyempre dumarami na rin yung business nila," pahayag ni Ariella.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News