Isiniwalat ng bagong Kapuso artist na si Ashley Rivera, na kilala rin bilang si Petra Mahalimuyak, na girl crush niya ang isa sa leading lady ng "Alyas Robin Hood" na si Solenn Heussaff.
Ginawa ni Ashley ang rebelasyon sa online Kapuso ArtisTambayan nitong Martes, nang may magtanong na netizen kung sino ang cruzh niya.
Maliban sa maganda at sexy, mabait at down-to-earth umano si Solenn.
"Siyempre hindi ko in-expect na babae yung isasagot ko 'di ba? Real talk lang, sobrang crush ko siya," pag-amin ni Ashley.
"Kasi first time ko siyang nakasama sa 'Sunday PinaSaya' nung nag-guesting ako before. Nasa same dressing room kami. Nagpa-fan girl na ako nung nakita ko yung pangalan niya... Sabi ko, 'Oh my gosh, hindi ko yata kakayanin ito.' Tapos pumasok na siya. Alam mo yung natatameme lang ako tapos parang, 'Ang ganda mo girl, I cannot talaga.' Na-starstruck ako tapos siya pa yung lumapit sa 'kin tapos ako, 'I'm not worthy'," kwento niya.
Kasama ni Ashley na nakipagkulitan sa fans sa Kapuso ArtisTambayan ang lead star ng afternoon series na "Haplos" na si Sanya Lopez, na sinuportahan ang sinabi nito tungkol kay Solenn.
"Ang maganda kay ate Sos [Solenn] kasi, sobrang cowboy niya. Kaya niyang wala siyang PA [personal assistant]," ayon kay Sanya.
Pagpapatuloy ni Ashley, "Exactly, pumasok siya wala siyang PA. Sabi ko, 'oh my gosh!' Tapos siya pa yung nagha-hi to everyone, kaya you can't blame me for having a crush on her," patuloy ni Ashley.
Muling nakasama si Marian sa 'Super Ma'am'
Masaya raw si Ashley na mapabilang sa Kapuso primetime series na "Super Ma'am," na pinagbibidahan ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera.
Ginagampanan ni Ashley ang karakter ni Rose, sidekick ng assistant principal na si Jessica (Meg Imperial), na laging inaaway si Minerva (Marian).
"It feels great kasi my first movie was with Ms Marian Rivera which was 'Lady Boss,' five or six years ago. And ngayon, I'm working with her again sa serye, exciting," lahad niya.
Bagaman, malaki at marami ang cast ng "Super Ma'am," sinabi ni Ashley na masaya ang kanilang samahan. -- FRJ, GMA News
