Limang kalabaw at dalawang baka ang namatay matapos magka-ashfall sa Camalig, Albay nitong Sabado.

Ayon kay Camalig Mayor Caloy Baldo nitong Linggo, namatay ang mga nasabing hayop dahil sa prolonged exposure.

May hinahanap pa raw na isang baka at isang kalabaw na naiulat na nawawala sa Barangay Anoling.

Matapos ang makapal na ash clouds na nakita mula sa Bulkang Mayon noong Sabado, nagka-ashfall sa ilang lugar tulad ng mga bukid sa Barangay Anoling sa Camalig at pati na sa iba pang bayan.

Dahil dito, nalanta at nasira ang mga pananim, ani Baldo.

Sabi ng ilang magsasaka, malaki ang epekto ng ashfall sa kanilang kabuhayan.

Inaalam pa ng local government unit ng Camalig ang kabuuang pinsala sa bayan dulot ng ashfall.

Nananatiling nasa Alert Level 3 ang Mayon Volcano nitong Linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Sinuspinde ang klase sa ilang lugar at nakansela ang ilang flight.

May mga residente ring lumikas na sa mga evacuation center.

Nagsasagawa na ng clearing operations ang Department of Public Works and Highways para maalis ang abo sa mga kalsada, drainage, at waterways sa Albay. —KG GMA News