Kahit inaayos na ang kaniyang piyansa para sa reklamong panggugulo umano sa isang restobar kung saan siya uminom ng alak, hindi pa rin kaagad makalalabas ng piitan ang aktor na si Baron Geisler dahil sa isa pang kasong kinakaharap na may kaugnayan naman sa pagsisigarilyo sa loob ng eroplano.
Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, hinatiran si Baron ng pagkain, kape at mensahe ng suporta ng kaniyang nobya na si Raf Bravo sa Station 10 ng Quezon City Police District.
Nakadetine ang aktor dahil sa reklamong unjust vexation at alarm and scandal matapos umanong manggulo sa isang restobar sa Tomas Morato kung saan siya uminom ng alak.
"Kapit, kaya natin ito," mensahe ni Raf kay Baron.
"Aware naman tayong lahat na alocoholic siya, inamin naman niya 'yon before and he's trying his best to lessen it. And 'pag alcoholic ka, hindi mo naman kaagad masasabing stop mo 'yan kasi mahirap din 'yon. Sabihin na natin na sakit iyon," paliwanag niya.
Sa ganitong sitwasyon, sinabi ni Raf na kailangan ni Baron ng suporta.
"Kasi kung lalo mo siya ida-down baka mamaya kung ano gawin niya sa sarili niya, saka baka mawalan na siya ng gana," dagdag ni Raf.
Inasikaso na ng kapatid ni Baron na si Donnie ang kaniyang piyansa pero hindi pa siya kaagad makalalaya dahil mayroon din siya warrant na kailangan ayusin sa isa pang kinakaharap na kaso sa Lapu-lapu City Municipal Trial Court sa Cebu.
Ang kaso ni Baron sa Lapu-lapu ay kaugnay sa paglabag sa Civil Aviation Law o Republic Act 9497 dahil sa paninigarilyo niya sa lavatory ng eroplano noong nakaraang taon.
Inamin naman ni Baron ang nangyaring insidente pero inakala raw niyang naayos na ang naturang problema nang magkaroon sila ng kasunduan na hindi na niya uulitin ang nangyari.
Maaaring nagkaroon lamang umano ng pagkakamali at hindi pagkakaunawaan kaya natuloy ang isinampa sa kaniya ng reklamo.
Sinabi naman ni Police Superindentend Christian dela Cruz, commander ng QCPD-Station 10, na posibleng hindi nakakuha ng subpoena si Baron kaya hindi nito nadaluhan ang mga pagdinig sa kinaharap na kaso sa Cebu.
Idinagdag ng opisyal na hindi muna nila pakakawalan ang aktor hangga't hindi nito naasikaso ang isa pang reklamo.
Samantala, tumanggi na umano si Baron na magbigay ng pahayag kaugnay sa pagwawala niya sa restobar at hindi na rin nagsalita ang pamunuan ng establisimyento. -- FRJ, GMA News
