Nakita na umano nina Vic Sotto at Pauleen Luna ang hitsura ng kanilang magiging baby sa pamamagitan ng 4D sonogram. Pag-amin ng aktor, mas kamukha ng kaniyang asawa ang kanilang paparating na baby girl.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang pagiging happy couple sina Vic at Pauleen sa idinaos na baby shower na dinaluhan ng "Eat Bulaga" dabarkads.

Nang tanungin kung sino ang kamukha ng bata, sabi ni Bossing Vic, "Parang kamukha niya [Pauleen].

Dagdag pa niya, "Mas maganda sana kung halo pero babae siyempre; lagyan mo nga ako ng buhok tapos... parang hindi bagay."

Lalo raw nasasabik ang mag-asawa na makita ang kanilang anak tuwing kumikilos ito sa loob ng tiyan ni Pauleen.

"It's a good sign. Well, of course, minsan mahirap kasi malikot nga but it's a very good sign that we have a healthy baby," ayon kay Pauleen.

Ang wish ng mag-asawa, maging normal ang delivery ni Pauleen sa kanilang anak.

"Tama na 'yung position niya[bata], head down na. But sabi nu'ng doctor, cause I'm 33 weeks this week, there is still a chance na umikot but hopefully hindi na," saad ng aktres. -- FRJ, GMA News