Agarang pagbiyahe patungong Doha, Qatar, ang plano ngayon ng pamilya ni Isabel Granada para damayan siya sa kalagayan ngayon matapos ma-comatose. Ang ama ng anak ni Isabel, ipinarating kung gaano niya kamahal ang aktres.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, labis ang pag-aalala ng ina ni Isabel na si Ang ina na si "Mommy Guapa" Castro-Granada, na patuloy na humihingi ng panalangin para sa anak.
"Hindi ko kaya, hindi ko kaya talaga. Ituloy niyo ang pagdadasal para sa anak ko, mabuhay siya, magising siya," hiling ng ina.
Sabi ni Mommy Guapa, naka-text pa raw niya ang anak bago ito isugod sa ospital sa Qatar nitong Martes nang dahil sa brain aneurysm.
Hindi rin makapaghintay ang anak ni Isabel na si Hubert Thomas Jericho Granada Aguas, na lumipad sa Qatar para makapiling ang kaniyang ina.
"Yayakapin ko po siya, hahawakan ko po 'yung kamay niya, tapos hihingi po ako ng tawad na hindi ko siya gaanong nakakausap," sabi ni Hubert.
Kasama ni Hubert na lilipad ang kaniyang ama na si Jericho Aguas.
"Andito kami ng anak niya, ng nanay niya. Kumbaga, naiwan na kami nang isang beses ni Isabel, kaming tatlo. Ngayon po, kung maaari, hindi na po namin pababayaan mangyari 'yon," mensahe ni Jericho kay Isabel.
Nagpahayag din ng mensahe ng pagmamahal si Jericho sa aktres, "Alam ko po na alam niya na mahal na mahal ko po siya. sabi ko po sa kanya, 'I will love you for eternity."
Sinabi naman ng partner ni Isabel na si Arnel Cowley na stable na ngayon ang lagay ng kanyang asawa.
"I don't know if you can say improvement naman, but it's better than before, when she was first admitted to the hospital," ayon kay Arnel.
Natutuwa si Arnel na tila naririnig na siya ng aktres nang mag-I love you siya.
"Nu'ng sabi ko sa kaniya na, 'I love you,' that the kids send their love, sina Hubert, my kids, her mama, ako, I think that's when I noticed talaga na there was a tear. That time I was happy na she can hear me talaga," ayon kay Arnel.
Umaasa si Arnel na makararating ang anak ni Isabel na si Hubert sa Qatar.
"Whenever they're ready naman eh. They're always welcome naman dito, siyempre," sabi niya.
Mensahe ni Arnel para kay Isabel, "Take your time, we're not going to rush you, we just want you to wake up and make a full recovery."
Sa isang episode ng programang "Tunay Na Buhay," napag-alaman na maliban sa showbiz, isa sa mga pinagkakaabalahan ni Isabel ang seryosong paglalaro ng badminton.
Nag-aral din siya ng aeronautical engineering at marunong din siyang magpalipad ng eroplano.
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
