Nauna nang umuwi sa bansa mula sa Qatar ang ina at mga kaanak ng namayapang si Isabel Granada para maihanda ang pagburol sa aktres na inaasahang darating ang mga labi sa Huwebes.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing bakas ang pighati kay mommy Guapa, ina ni Isabel, nang dumating sa bansa nitong Linggo ng gabi mula sa Doha, Qatar.
Kasama niyang dumating ang dating asawa ni Isabel na si Jericho Aguas at apong si Hubert Thomas Jericho.
Bitbit nila ang bigat ng pagpanaw ni Isabel noong Sabado ng gabi, isang linggo matapos na ma-comatose.
"Medyo tinatanggap ko na po yung sitwasyon. Marami na lang pong salamat sa lahat ng mga nagsusuporta," ayon kay Hubert.
Sinabi naman ni Jericho na paulit-ulit nilang ipinarating kay Isabel ang kanilang pagmamahal sa aktres habang nasa ospital.
"Paulit-ulit po naming ipinaparating kay Isabel na lahat po ay nagmamahal po sa kaniya, at alam po namin na siya po ay nasa magandang kalagayan na po ngayon." pagbahagi niya.
Sinabi rin Jericho na plano ng ina ni Isabel na ipa-cremate ang mga labi ng anak.
"Ang plano kasi ni mama ay ipa-cremate," aniya. "Sana po puwede pang i-view kasi as of last night, medyo nag-deteriorate yung physical body po."
Nagpasalamat naman si Hubert sa lahat ng nagdasal at mga nagpahatid ng suporta sa kanilang pamilya.
"Sa inyo po kami kumuha ng lakas, salamat sa lahat ng nagdarasal," pahayag niya.
At kahit nagkaroon ng makulay na karera sa showbiz, ang pagiging nanay pa rin ni Isabel ang babaunin ng kaniyang pamilya.
"Salamat sa lahat ng ginawa mo bilang isang ina. Hinding-hindi kita makakalimutan at mahal na mahal ka naming lahat," mensahe ni Hubert sa ina. -- FRJ, GMA News
