Marami nang totoong kuwento ng mga totoong tao ang itinampok sa GMA drama anthology na "Magpakailanman" na pinamamahalaan ni Tita Mel Tiangco. Kaya naman hindi maiwasan na may magtanong: kung ang buhay niya ang itatampok sa programa, sino kayang artista ang nais niyang gumanap para sa kaniya?
Ayon kay Tita Mel, na anchor din ng GMA News "24 Oras," wala siyang maisip na artista na gaganap sa kaniya, gayundin sa posibleng leading man ng kaniyang magiging istorya.
Hindi rin naman daw niya iniisip na magandang isadula ang kaniyang buhay na inilarawan niyang "corny" at hindi "extraordinary".
"May be not," sabi ni Tita Mel kung puwedeng itampok sa "Magpakailanman" ang kaniyang buhay. "Corny lamang eh. Kapag naging makulay na."
Paliwanag pa niya, "Ang ibig ko lang sabihin, walang extraordinary sa buhay ko. Unlike the stories that we feature in 'Magpakailanman.' Hindi naman boring, pero routinary lang ang buhay ko... Opisina, bahay, opisina... yun na 'yung lifestyle ko eh."
Sa press conference para sa 5th anniversary ng "Magpakailanman" na ginanap noong Martes, ibinalita ni Tita Mel ang apat na very inspiring story na bahagi ng month-long special ng programa ngayong Nobyembre.
"So we want stories like that na meron talagang malinaw na iko-convey sa televiewers, about how life is and how life should be," paliwanag ni Tita Mel.
"'Yun talaga ang pinagmamalaki namin, 'yung mga istorya namin. 'Yung mga kuwentong totoo ng mga totoong tao," dagdag niya.Kuwento ng mga totoong tao
Ikinuwento ni Tita Mel na bahagi rin siya sa proseso ng pagpili sa mga istoryang itinatampok sa "Magpakailanman.""Not on the approving end but many times they tell me about the stories and many times also I give my two cents worth about what looks good to me, and I also suggest stories."
Punong-puno raw ng mga istorya ang mga ordinaryong tao na lumalapit at natutulungan ng GMA Kapuso Foundation, na pinamamahalaan din ni Tita Mel. Ang iba raw sa mga ito ay naitatampok sa "Magpakailanman."
"Alam niyo naman I'm with the GMA Kapuso Foundation. Du'n talagang parang pabrika ng mga [kuwento] ng tao talaga, lahat ng klase ng emosyon, ng damdamin, lahat ng klase ng sakit, lahat ng klase ng kakulangan ng tao sa buhay, napakinggan namin du'n, pinupuntahan kami. So it's a wealth of stories in that office," kuwento ng batikang broadcast journalist.
"May mga nagpapadala, may sumusulat, meron din naman research, meron din naman nakakasalamuha namin from homeowners," pagpapatuloy ni Tita Mel.Sinabi ni Tita Mel na hindi na raw "conflict" sa kaniya ang pagiging "24 Oras" anchor, GMA Kapuso Foundation Executive Vice President at COO, at "Magpakailanman" host.
"Alam mo, hindi divided ang time ko, it's just that whole thing.. that's not my lifestyle. Wala na 'yun eh. Wala 'yung oras [ilalaan] dito, hindi. Kung saan ako kailangan nandu'n ako. Yu'n na 'yung buhay ko, ganu'n na," aniya. -- FRJ, GMA News

