Ipinaliwanag ng Kapuso star na si Gil Cuerva sa programang "Tunay Na Buhay" kung bakit mas gusto niya ang mahabang buhok.

Sa panayam ni Rhea Santos, ipinasilip ni Gil ang kuwarto nila ng kaniyang kapatid, kung saan makikita ang kaniyang portrait na ini-sketch ng isang fan.

Ayon sa model-turned-actor, bata pa lang ay gusto na raw talaga niya na magpahaba ng buhok.

"Ever since naman gusto kong magpahaba ng buhok pero kasi sa Ateneo, all-boys school. When I was a high-school, I didn't have the opportunity na magpahaba ng buhok kasi may haircut rule. So ayun, nu'ng pumasok ako sa college, du'n na ako nagpahaba ng buhok," kuwento niya.

Dagdag pa ni Gil, "I feel like it makes me unique. It's a different look."

Makikita rin sa kaniyang cabinet ang mga jersey ng dating NBA player na si Kobe Bryant na kaniyang idolo.

Ikinuwento rin ni Gil na madalas siyang tuksuhin noong bata siya na napagkakamalang Amerikano.

"Lumaki naman ako dito, medyo Taglish akong mag-Tagalog but I grew up here Manila boy na talaga," sabi niya.

"Growing up lalo na sa school, akala nila taga-America ako kasi maputi ako. 'Yung mga kasama nila sa school akala nila AmBoy ako," dagdag pa ng aktor.

Isang businessman sa mga logistics, may lahing Español ang ama ni Gil, samantalang marketing manager naman sa hotel ang ina niyang Pilipina.

Marangya man ang kanilang buhay, nakapaglaro pa rin si Gil ng mga larong kalye tulad ng langit-lupa, agawang base at patintero.

Kung tatanungin si Gil kung ano ang kaniyang pangarap noong bata, "maging basketball player" ang kaniyang sagot.

"Magulo raw talaga si Gil nu'ng bata, especially like when he was a toddler. Tawag nga namin diyan 'yung Tasmanian Devil because he would really run around and hit things. When he got into Ateneo he calmed down a little bit. Shy, painfully shy kid at that stage after being such a noisy toddler, very shy kid," kuwento ni Sab Cuerva, kapatid ni Gil.

Sa Ateneo nag-aral ng elementarya hanggang high school si Gil pero nang magkolehiyo, lumipat siya sa La Salle sa kursong Liberal and Communication Arts.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News