Kabilang ang mga pangalang Dante Balboa at Romano Vasquez sa mga aktor na naging bukambibig nang sumikat ang mga "sexy" film noong dekada 80's at 90's. Alamin ang kanilang naging buhay matapos nilang iwan ang mundo ng showbiz.
Sa nakaraang episode ng programang "iJuander," napag-alaman na nagsimula bilang modelo si Dante, o Elmer Anisco sa tunay na buhay.
Kabilang sa mga pelikula na pinagbidahan niya ang "Kasiping" noong 2002.
"'Grab on every opportunity' ang motto ko sa buhay. 'Yon kasi yung nagbukas ng pinto sa akin sa show business. Ako kasi 2002 to 2008 'yung mga movies ko," sabi ni Dante.
Lingid sa kaalaman ng marami, pinagsasabay pala noon ni Dante ang kaniyang pagiging sexy actor sa kaniyang pag-aaral at pagtuturo sa kolehiyo.
Katunayan, nakapagtapos ng kursong arkitektura si Dante.
"Napakasaya no'n. 'Yon 'yung hindi ko makakalimutang yugto ng buhay ko kasi para kang si Superman. Nag-aaral ako sa UP. 'Pag may shooting, punta sa shooting. Tapos nagtuturo ako sa FEU," kuwento niya.
Bagaman tumigil na siya sa paggawa ng mga bold film, hindi niya itinigil ang pagkuha ng iba pang kurso para lumawak pa ang kaniyang kaalaman, tulad ng Communication Research, Audio-Visual Communication, Linguistics, Philosophy, Anthropology.
"Walo yung kinuha kong undergrad courses. Yung apat doon tapos, yung apat doon kulang ako ng tig-iisang taon," sabi ni Dante.
Ipinagmamalaki rin ni Dante ang pagkuha ng mga larawan ng iba't-ibang waterfalls, mga fort at mga simbahan para ipagmalaki ang ganda ng Pilipinas, na 16 taon na niyang adbokasiya.
"Sa kasalukuyan nakaka-800 waterfalls na ako, ang target ko ay isang libo," sabi pa niya.
Hindi rin daw nakaligtas si Dante sa mga panghuhusga, lalo na sa ilang magulang ng kaniyang mga estudyante.
"Nagtuturo ako pero sexy star ako at that time kaya may ibang timpla noon na magtataka ka, bakit may gano'ng uri ng pag-iisip 'yung ibang magulang, huhusgahan ka hindi ka naman kilala. Itong kultura ng Pilipinas may stereotyping, so medyo 'yan 'yung kailangan nating buwagin," pahayag niya.
ROMANO
Isa naman si Romano Vasquez sa mga nawalan ng pagkakakitaan nang ipagbawal na ang mga labis na mapangahas na pelikula.
Nagsimula sa "That's Entertainment," sumabak si Romano sa pagpapa-sexy para tugunan ang pangangailangang pinansiyal.
Isa mga pelikulang pinagbidahan niya ang "Ma'm, Turuan Mo Ako."
"May nag-offer sa akin sabi niya, 'Wala ka naman ding project ngayon, bakit hindi mo subukang mag-cameo role sa isang pelikula ni ganito at subukan natin?' Sabi ko 'Why not? Tutal aktor naman ako, bakit naman hindi ko tatanggapin?," kuwento niya.
"Masaya kasi hindi ka naman mapupunta sa ganu'ng films kung hindi ka naman sexy. Sa isang banda naman, malungkot din dahil siyempre ang tingin ng iba, parang hindi masyadong maganda. Kaya lang wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba pagka sikmura mo naman kalaban mo, wala ka namang ibang sisisihin kundi sarili mo," sabi ni Romano.
Kasabay ng pagkawala ng mga sexy movie, siya ring pagkawala ng career ni Romano, at dito nagsimula ang paghirap ng kaniyang buhay.
Dumating din ang puntong naging palaboy daw siya sa lansangan. "Parang isang himala na lang ang hinihintay ko," sabi ni Romano.
Ngunit nagpatuloy ang buhay ni Romano at nakakita ng oportunidad sa isang networking organization.
Entrepreneur at motivational speaker na ngayon si Romano.
"May dahilan pala lahat ng pinagdaanan ko. Paano ako magmo-motivate ng tao kung wala akong pinagdaanan? Ano ang sasabihin ko on stage kung wala akong kuwento?" sabi ng dating sexy star. -- FRJ, GMA News
