Natutuwa raw ang Concert Comedy Queen na si AiAi Delas Alas sa kaniyang karakter bilang nanay na ratsada kung magsalita sa Kapuso "Sherlock Jr."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing laging maganda raw ang pakiramdam ni AiAi kapag pupunta sa taping dahil bukod sa masaya sila sa set, gusto niya rin ang kaniyang role.

Bagama't ilang beses na siyang gumanap bilang nanay sa serye at pelikula, sinabi ni AiAi na ibang klase ang pagiging nanay niya sa "Sherlock Jr."

"Actually, 'yung character ko, talagang 'pag sinabi kong napapagod ako, napapagod ako kasi tuluy-tuloy ang sinasabi ko, ang dami kong sinasabi. Siguro in every ano, five minutes 'yung salita ko," natatawa niyang kuwento.

Pampa-good vibes din para kay AiAi ang pagkakaroon ng kasamang aso sa set na si Siri dahil isa rin siyang dog lover.

Hanga daw siya kay Siri dahil para itong tao na alam kapag siya ang may kukunan siyang eksena.
"Napakagaling, lalo na ngayon. Kasi parang nasasanay na siya sa taping, shooting.

Alam mo, 'pag bumaba na si Ruru or magte-take na si Ruru, kasabay niya si Ruru na bumababa or umaano, nagre-ready," kuwento pa ni AiAi.

Bukod sa "Sherlock Jr." magiging abala si AiAi sa kaniyang darating na Valentine show sa Palacio de Manila na "Ai Love You," kung saan kilig at tawa raw ang ihahatid nila sa mga manonood, kasama ang rap group na "Ex Batallion."

"Marami, kikiligin lalo na 'pag nandiyan si Papa P and siyempre 'yung kabataan, nandiyan ang Ex Battalion," ayon kay AiAi. -- FRJ, GMA News