Mga maaksyon at makapigil-hiningang mga eksena ang aabangan sa nalalapit na pagtatapos ng "Ika-6 Na Utos," kaya todo na ang paghahanda nina Sunshine Dizon at Gabby Concepcion.

Sa Star Bites report sa Balitanghali nitong Sabado, mismong sina Sunshine at Gabby ang gagawa ng mga pinakamalaking "highlights" ng serye.

Ayon kay Sunshine, may mga sasakyan na gagamitin kaya delikado ang pag-shoot ng eksena.

Ngunit excited naman si Gabby na gawin ito.

Bukod dito, mapapanood din si Sunshine sa Valentine's Day episode na Wagas nitong Sabado, kung saan gaganap siya bilang isang maybahay na may sakit na nakaapekto sa kaniyang itsura.

Samantala, naging usap-usapan si Gabby nitong Biyernes nang muli niyang makatambal si "Megastar" Sharon Cuneta para sa isang fast-food commercial.

Pinamagatang "Kumusta Ka," makikita sa ad na tinanong ni Gabby si Sharon, "Do you mind if I join you?" na tinugunan ng aktres, "Ikaw naman, parang wala tayong pinagsamahan."

Ibinahagi rin ni Gabby ang ilan pang photos ng reunion project nila ni Sharon. —Jamil Santos/ALG, GMA News