"Good morning, Ms. Ganda!"
Ito ang isa sa mga mensaheng ipinadala ni Gerald Sibayan nang sinimulan niyang ligawan si Aiai delas Alas sa pamamagitan ng paulit-ulit na text sa cellphone.
Kuwento ni Gerald sa "Tonight With Arnold Clavio" nitong Biyernes, hindi niya maipaliwanag ang kanyang naramdaman nang makuha niya ang phone number ng "Comedy Queen."
"Text siya nang text. Nililigawan niya ako sa text. Sinimulan niya ako sa 'Good morning Ms. Ganda!'" ayon kay Ai.
Sa naturang programa ikinuwento ng mag-asawa kung paanong nabuo ang kanilang love story, na nagsimula nang maging magkalaro sila sa badminton.
"Umaga nag-training kami. 'Yung ka-teammate ko nagyaya ng 'Uy laro tayo sa court namin, maglalaro na si AiAi. Sabi ko 'Oh sige wala naman akong gagawin eh.' Tapo nu'ng gabi na, kinausap ko siya na 'Uy puwede ba tayong maglaro madam?' Nambobola na ako," sabi ni Gerald.
Hindi raw "starstruck" si Gerald sa mga artista kaya normal na tao lang din ang turing niya kay AiAi noon. "Hindi naman kasi ako ma-ano sa artista na, 'Uy si ano, pa-picture ako.' Hindi ako mahilig. Kumbaga laro-laro lang."
Dito na nagpa-cute si Gerald kay Kapuso Comedy Queen.
"Natutuwa ako sa kaniya na hindi ko ma-explain eh," paliwanag ni Gerald.
Nagsimula na silang maging magka-text kinabukasan.
Pag-aamin ni AiAi, hindi ito alam ng kaniyang mga anak noon at tinatagu-tago pa niya si Gerald.
"Tinatago ko siya (Gerald). Tapos nalalaman na lang niya (Sancho) na may date ako kasi naka-red lipstick ako. Sabi niya 'Mama naka-red lipstick ka, saan ka pupunta?' 'Basta, saka na!'" —Jamil Santos/ALG, GMA News
