Sa bago niyang pelikula na "Amnesia Love," gaganap na lalaki ang "Eat Bulaga" dabarkads na si Paolo Ballesteros at mayroon pa siyang kissing scene sa kaniyang leading lady.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Paolo na mula sa pagiging bakla, magiging lalaki ang kaniyang karakter matapos na magka-amnesia.
"'Yung character kasi is naging lalaki, bakla naging lalaki. Tapos, pero sumusulpot-sulpot naman 'yung pagkabakla, so okay, masaya naman," ayon sa aktor.
Samantala, pagdating sa gagawin nilang Lenten special sa "Eat Bulaga," maaari daw na lalaki rin ang maging role ni Paolo.
Pinaghahandaan na raw niya ang taping ng EB Lenten special, na naging tradisyon na ng number one noontime show.
"We make sure na inspiring talaga 'yung maipapalabas namin. Siyempre nakikita n'yo kami araw-araw sa Bulaga na parang, o, happy-happy lang, ganyan, nagbibigay ng saya. Tapos makikita mo iiyak si Bossing, 'di ba? So kumbaga, nakikita nila, 'yung maipapakita namin 'yung different side naman namin," paliwanag niya.
Ayon pa sa EB host, puro pelikula ang kaniyang pagkakaabalahan sa mga darating na araw, kung saan ang isa ay kukunan pa sa ibang bansa kasama ang isang Kapuso comedienne.
Ngunit paniniguro ni Paolo, hindi niya isasakripisyo ang pagho-host niya sa "Eat Bulaga."
"Ang Bulaga pa rin is my priority always. So, kung kaya ko lang, magbu-Bulaga muna ako bago magsu-shooting," aniya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
