Marami ang naaliw sa viral video ng mali-maling si "Aling Vicky" na mula sa isang eksena ng isang lumang pelikula dahil marami ang naka-relate sa kaniyang karakter na minsang nagiging "lutang" ang isip.  Pero ba ninyo na hindi pala basta-basta ektra lang sa pelikula itong si Aling Vicky.

Sa naturang viral video na mula sa pelikulang "Baliktaran: Si Ace at si Daisy" noong 2001 na pinagbidahan nina Ruffa Mae Quinto at Bayani Agbayani, isang bata ang tumawag kay "Aling Vicky" para sabihin na nahulog ang kaniyang anak sa imburnal.

Dali-dali namang tumakbo si Aling Vicky at sandaling nawala sa eksena pero kaagad ding bumalik sa umpukan ng mga nagsusugal.

Nang tanungin siya kung bakit ang bilis naman niyang nagbalik, sagot ni Aling Vicky, may nakalimutan siya.

Nang tanungin muli kung ano ang nakalimutan niya, sagot niya, "Hindi nga pala ako si Aling Vicky!"

Dahil bumenta sa netizen ang naturang patawa, marami ang nagtanong kung sino si Aling Vicky.

Kaagad naman itong nabigyan ng kasagutan nang mag-post sa kaniyang social media account ang Palanca award-winning author na si Eric Cabahug, kasama si Aling Vicky, o Hermie Go sa totoong buhay, o Tita Hermie sa kaniyang mga ka-opisina.

Napag-alaman na associate producer ng Viva Films si Hermie at nagkataon na kulang ng ekstra sa naturang eksena kaya siya na ang gumanap sa karakter ng mali-maling si Aling Vicky.

Sa panayam sa pamamagitan ng Facebook messenger, sinabi ni Eric sa GMA News Online na, “Malapit lang ang office ko sa puwesto niya, and she always passes my cube when she comes in. Madalas kaming magkasalubong.”

Ayon pa kay Eric nang tanungin sa reaksyon ni Tita Hermie nang mag-request siya na magpa-picture, “Marami na ata nagpapapicture with her. Kinuwento niya pati si Xian Lim nagpa-pic din sa kaniya the other day.”

-- FRJ, GMA News