Ikinuwento ng anak ni Mely Tagasa, na mas kilala sa showbiz bilang si Miss Tapia na sinunod nila ang hiling nito sa ginawang sulat noon pang 2005 na huwag siyang ilagay sa life support kapag naratay sa matinding karamdaman.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ikinuwento ng mga anak ni Mely, nabasa nila ang sulat ng ina na ginawa noong 2005 tungkol sa hiling nito na huwag siyang ilalagay sa life support.

"May nabasa kaming letter para sa aming magkakapatid na ayaw niya nang may life support. So we decided na alisin iyong tubo na 'yon. Nung inalis namin in 3 days nag-pass away na siya," pagbahagi ni Dodgie Montreal, anak ni Mely.

Masakit man ang pagkawala ng kanilang ina, sinabi ni Dogdie na batid nila na umuwi na sa Panginoon ang kanilang mahal sa buhay.

"It is more of a celebration of eternal life para sa mama ko," sabi niya.

Pumanaw nitong Sabado si Mely sa edad na 82 dahil sa stroke. Napag-alaman na March 6 nang magsimula raw magsusuka ang dating aktres isinugod siya sa ospital at unti-unti nang humina ang kaniyang katawan kaya nilagyan siya ng respirator.

Nakilala ng mga manonood si Mely bilang si "Miss Tapia" sa mga pelikula at TV series na "Iskul Bukol" na pinagbadihan nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.

Noong nakaraang taon, kabilang si Mely sa mga ginawaran ng kaniyang sariling bituin sa Walk of Fame Philippines sa Eastwood City.

Pero bago pa man sumikat sa "Iskul Bukol," isa nang radio personality at writer si Mely.

Nakilala man bilang istrikto, kinatatakutan at mabagsik na propesora si Mely bilang si Miss Tapia, sa tunay na buhay ay isa siyang mapagmahal na ina, mapagbigay sa kapwa, at makadiyos.

"As a mother she is self-sacrificing, talang siya 'yung aming main provider throughout our lives lagi siya 'andiyan whenever we need anything," ayon sa anak niyang si Lani.

"People around us binibigyan niya ng tulong kahit wala siya hinihinging kapalit basta makatulong siya nakikita niyang umaangat mga taong tinutulungan niya gumagaan loob niya," pagbahagi naman ng apo niyang si Joshua.

Nakatakdang i-cremate ang labi ni Mely sa darating na Miyerkules.-- FRJ, GMA News