Makikigulo na rin si Solenn Heussaff sa mga karakter sa Kapuso primetime series na "The One That Got Away." Bukod dito, busy rin siya sa paggawa ng dalawang pelikula na ang isa ay posibleng isabak sa film festivals sa abroad.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing gagampanan ni Solenn ang karakter ni "George" na dapat daw abangan ang mga pasabog sa banggaan ng mga "ex" ni Liam, na ginagampanan ni Dennis Trillo.
Excited daw si Solenn sa pagpasok niya sa serye dahil puro kaibigan niya ang cast nito nina Lovi Poe, Max Collins at Rhian Ramos.
"Since they're my friends it's fun to watch them. Minsan ganu'n din sila sa totoong buhay so masaya," ani Solenn.
Pinananabikan na raw niyang maka-eksena ang mga kaibigan, na ang mga karakter ay kombinasyon daw ni George.
"May konting boyish siya, may kalog factor din siya, and then she has a ditzy side to her and then she's sophisticated at the same time," kuwento ni Solenn.
Samantala, dalawang pelikula ang ginagawa ni Solenn na kinabibilangan ng "My 2 Mommies" na kasama si Paolo Ballesteros, at indie film na may working title na "Misteryo dela Noche," na kasama naman niya si Benjamin Alves.
Ang naturang indie film ang isa na raw sa pinaka-challenging role ni Solenn kung saan ginagampanan niya ang karakter ng babaeng laki sa gubat at mala-hayop ang kilos.
Halos wala raw siyang dialogue sa pelikula at wala rin siyang magiging saplot sa katawan.
Ang naturang pelikula ay pamamahalaan ni direk Adolf Alix, Jr., na plano raw ilahok sa film festivals abroad. -- FRJ, GMA News
