Ayon sa dating D'Bodies member na si Kat De Santos, isang dating nobyo ang nagturo sa kaniya na gumamit ng droga. Ito ring dating nobyo ang pinaghihinalaan niyang dahilan ng kaniyang pagkakakulong.

Kalaboso ngayon si Kat matapos mahulihan ng isang sachet ng shabu sa isang buy-bust operation.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa "State of the Nation" nitong Lunes, sinabi ni Kat na ang naturang ex ang nagpahuli sa kaniya sa mga pulis.

"Sinet up niya po ako," ani Kat.

Pero ayon kay Sr. Insp. Kenneth Louie Leano, hepe ng Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police District Station 1,"Hindi po sinet up. Natsansahan po sila doon, hindi lang po identified ang sinasabing kasama niya doon na sinasabi niyang boyfriend niya." 

Ang grupong D'Bodies ang nagpasikat noon sa kantang "Kiliti."

Naging usap-usapan pa sila noong 2004 dahil sa sexy pictorial sa Roxas Boulevard na humantong sa pagdedeklara sa kanilang persona non-grata ng Lungsod ng Maynila. —JST/RSJ, GMA News