Sa pamamagitan ng Instagram post, ibinalita ng Kapuso star na si Thea Tolentino na ipinatanggal niya ang cyst o bukol sa kaniyang dibdib. Kasabay nito, nagpaalala ang aktres sa kaniyang followers tungkol sa kahalagahan ng pangangalaga sa katawan.

Sa caption ng larawan na ipinost niya kasama ang kaniyang doktor, ikinuwento ni Thea na maayos ang kinalabasan ng proseso sa pag-alis sa naturang bukol.

 

 

"Had my breast cyst removal this afternoon," saad niya. "Hindi ko first time dahil natanggalan na ako before noong 2010."

Ipinayo niya na dapat regular na magpa-check-up ang kababaihan para mapangalagaan ang kalusugan.

"It's good to have regular check-ups especially to us women. Lalo na rin kung may nararamdaman tayo, mas maganda nang maagapan at malaman ang nangyayari sa ating katawan," payo niya.

Sa pagsagot niya sa mga komento ng followers, sinabi ni Thea na hindi naman kailangan alisin basta-basta ang bukol lalo na kung "benign" o hindi delikado.

Pero dapat  umanong ipatanggal ang bukol kung ipinayo na ng doktor at kung masakit.

"Ang alam ko hindi naman need na tanggalin as long as benign. Tapos regular check up and if sinabi ng doctor na magpaultra sound para mamonitor yung size," paliwanag ng aktres sa tugon niya sa follower.

"Meron kasing cyst na nawawala na lng. Last year more than 6 yung sakin. Nung nagpaultra sound ako last week nasa 6 nalang in total. Nawala yung iba," patuloy niya.

Wala rin naman daw siyang symptoms na naramdaman tungkol sa bukol pero basta nakapa na lang niya noon.

Nagpasalamat naman kay Thea ang kaniyang  followers dahil sa pagbabahagi niya ng impormasyon at kaalaman tungkol sa kalusugan ng kababaihan.-- FRJ, GMA News