Sumabak na sa action scenes ng upcoming primetime series na "Victor Magtanggol" ang Pambasang Bae na si Alden Richards.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing sa  loob ng isang palengke kinunan ang maaksyong eksena ni Alden kung saan nagamit daw niya ang kaniyang parkour training.

Sa eksena, tumakbo, nagpatalon-talon, at nagpadausdos pa sa tiles si Alden. Ang stunts, ginawa sa ilalim ng mabusising patnubay ng kanilang direktor na si Dominic Zapata.

"Mostly kasi typical lang 'yung mga fight scenes na nagagawa ko with my past projects. But ito kakaiba, na-apply ko 'yung natutunan ko sa parkour," saad ng aktor.

Kahit mababakas ang pagod, makikita naman na enjoy si Alden sa kaniyang ginagawa.

"Gusto ko kasi ito eh, ganu'n ako ka-in love dito sa project na 'to. Sabi ko nga when I took this project ibubuhos ko dito lahat," ayon kay Alden.

Asahan daw na marami pang maaaksiyong eksena na aabangan sa "Victor Magtanggol."-- FRJ, GMA News