Kasabay ng pagdiriwang ng Independence Day, inihayag ng ilang Kapuso stars ang pagiging proud nila sa kanilang kulay na kayumanggi.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ni "Kambal, Karibal" leading man Miguel Tanfelix na kahit kailan, hindi pumasok sa kaniyang isipan ang magpaputi dahil mahal niya ang kulay kayumanggi.
"Kung ano talaga ang ibinigay sa'yo ni Lord, 'yun 'yung mahalin mo. 'Yun 'yung alagaan mo. Since before Moreno talaga ako, hindi ko pinlano ang maging maputi dahil mahal ko kung sino ba talaga ako," sabi ni Miguel.
Pati ang cast ng naturang serye na si Alfred Vargas, damang dama rin ang pagiging Pinoy sa pagiging kayumanggi.
"Ever since proud naman ako sa kulay kayumanggi, and proud na proud ako kasi feeling ko Pilipinong-Pilipino ako," anang aktor.
Angat din ang pagiging morena ni Teresita Winwyn Marquez nang lumaban sa international beauty pageant at nagwaging Reina Hispano 2017.
"Everything has a purpose and I think nagagawa ko naman 'yung talagang gusto kong gawin na mas maraming ma-reach na tao and I'm very thankful for that," ayon kay Winwyn.
Proud din si Winwyn sa katangiang Pinoy na "palaban, hindi nagpapatalo."
Kitang-kita rin kay Kapuso star Lovi Poe ang pagiging kayumanggi sa kaniyang photo shoots at proud sa kaniyang bansang Pilipinas.
"Nako sobrang ganda. Masasabi ko talaga ang Pilipinas, sobrang ganda, we're so blessed," anang aktres. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
