Hindi na lang sa telebisyon mapapanood umarte ang phenomenal hip hop group na Ex Battalion dahil may gagawin na rin silang pelikula.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" Martes, sinabing maliban sa mga gig at guestings, napapanood ngayon ang ExB sa top rating primetime series na "Inday Will Always You."
Sa pilot episode ng kanilang GMA Online Exclusives show na "ExB Rules," mas makikilala ang miyembro ng grupo na nasa likod ng viral at hit song na "Hayaan Mo Sila."
Kasama ang kanilang manager na si AiAi delas Alas, inanunsiyo na nakatakda na rin gumawa ng pelikula ang grupo sa ilalim ng Viva Entertainment.
Wala ibinigay na detalye sa pelikula pero handa raw ang ang ExB na sumabak sa pag-arte na sinimulan na nila sa "Inday Will Always Love You."
"Meron silang tv, meron silang guesting, meron silang endorsement, meron silang movie ngayon, and lahat ng mga music nila, so lalo silang lalaki," ayon kay AiAi.
Kasama rin ang grupo sa collaboration sa pag-awit at paglikha ng theme song ng upcoming GMA Series na "Victor Magtanggol," na pagbibidahan ni Alden Richards.
"Ako it's an honor for me na makasama sila. Kasi kumbaga kakaiba, hindi ko pa na-experience na magkaroon ng collaboration with a group na kasing-angas ng Ex Battalion," ayon kay Alden.
Mapapanood ang unang jamming nila ni Alden sa pag-awit ng naturang theme song sa online show na Spotlight Music Sessions.-- FRJ, GMA News
