"Huwag mangako kung hindi kayang panindigan." Ito ang payo ng Kapuso actor na si Gardo Versoza sa lahat matapos niyang sariwain ang pangakong hindi niya naibigay sa yumao niyang ama.

Sa segment na "Sharing Group" ng programang "Mars," kailangang kompletuhin ni Gardo ang pangungusap na, "Para sa akin, ang tatay ko ang best example ng pagiging ---?"

Kaagad na naisip ng aktor na "babaero" ang isagot.

Paliwanag niya, babaero talaga ang kaniyang ama pero sa kabila nito ay hindi naman iniwan at pinabayaan ang kaniyang ina at ang kanilang pamilya.

Kaya naman nagpapasalamat siya sa kaniyang mga magulang at sa Diyos na lumaki silang magkakapatid na buo ang kanilang pamilya.

Dagdag pa ng aktor, mas lalo pa raw naunawaan ni Gardo ang nangyari sa pagiging babaero ng kaniyang ama at wala siyang galit sa puso ngayong tumatanda na rin siya.

"Ngayong tumanda na ako saka ko siya napagtanto na, 'Ah ito pala 'yon, ganito pala 'yon.' So hindi nagkaroon ng galit sa puso ko," saad niya.

Hindi rin naiwasang balikan ng aktor na may kasamang panghihinayang na hindi niya natupad sa kaniyang ama ang pangako niyang father and son bonding na maggu-good time sila at mambababae.

"'Yun nga lang yung panghihinayan ko. Kasi bago siya mawala sabi ko, 'Dad bago ka man lang mawala sabi ko pina-promise ko sa'yo na dadalhin kita sa ano, maggu-good time.' Sabi ko, 'Magba-bar tayo, manchi-chiks tayo, magpa-father and son bonding tayo,"' pagbahagi ng aktor.

"Masakit lang dahil ilang beses siyang na-stroke ang then hanggang sa nawala na siya. Hindi ko na fulfill yung mga promises na 'yon," malungkot niyang pag-amin.

Isa raw ito sa mga natutunan niya na huwag mangangako kung hindi mapapanindigan.

"Everytime na gagawa ka ng promise dapat kaya mong panindigan. Hindi lang naman para sa pagiging isang ama, kahit sa work, kahit sa partner mo, never never kang gagawa ng isang promise na hindi mo kayang panindigan," bilin niya.

Pahabol na mensahe ni Gardo para sa ama, "I love you dad wherever you are."-- FRJ, GMA News