Magbabalik-Kapuso si Coney Reyes para sa bagong primetime series na "Victor Magtanggol" na pagbibidahan ni Alden Richards. Ayon batikang aktres, isa sa mga dahilan kung bakit niya tinanggap ang proyekto ay dahil nais niyang makatrabaho ang Pambansang Bae.
Sa ipinalabas na teaser plug ng "Victor Magtanggol," ipinasilip na si Alden habang naka-full battle gear sa kaniyang costume habang nakikipaglaban.
Makikita rin sa teaser Coney na gaganap na ina ni Victor, ang karakter ni Alden.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng aktres na isa raw sa mga dahilan kaya tinanggap ang proyekto ay para makatrabaho si Alden, na inilarawan niyang respectful at very sweet.
"Considering what he has reached now he's very humble. I love the guy, I mean I've not worked with him yet ng matagal pero magaan na kaagad ang loob ko sa kaniya," saad ng aktres.
Ipinakita rin ang cute Kapuso child star na Yuan Francisco na gaganap na sidekick ni Victor, at nakakaalam ng kaniyang lihim na may itinatagong kapangyarihan.
Sa nakaraang episode ng online show na "Artistambayan," napanood kung papaano magkulitan sina Alden at Yuan.
Kahit unang pagkakataon na magkatrabaho ang dalawa, kaagad naman daw silang nagkasundo dahil marami silang paborito na magkapareho.
"Mangilan-ngilan lang 'yung mga kilala kong bata na at an early age, 'yung pasensiya nila sa trabaho," sabi ni Alden.-- FRJ, GMA News
