Masaya at excited sina Janine Gutierrez at Andrea Torres na makasama sa bagong Kapuso fantaserye na "Victor Magtanggol," na pinagbibidahan ng Pambansang Bae na si Alden Richards.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing gagampanan ni Janine ang role bilang si Gwen Regalado, isang field reporter na susubaybay sa mga adventure ni Victor, na karakter ni Alden.
"Ako 'yung makakakita dito sa superhero na 'to, gusto kong malaman kung sino ba talaga siya. Pinagtatanggol ko rin siya dahil maraming humuhusga sa kaniya," kuwento ni Janine.
Ayon pa sa aktres, hangad din niya na makagawa ng mga action project kaya nag-parkour training siya bilang paghahanda sa proyekto at nagmasid din sa trabaho ng mga reporter.
"Pangarap ko rin talaga kasi makapag-action na eksena so para lang panigurado. Siyempre makakasama pa rin ako dahil malaki 'yung mga eksena sa show so lahat ng tao madadamay sa malalaking gulo sa mga action scenes," paliwanag pa ni Janine.
Diyosa si Andrea
Samantala, diyosa na si Sif naman ang role ni Andrea na magiging gabay ni Victor.
May pet din na kakaaliwan ng mga manonood si Andrea na si "Ratatosker".
Dahil mapapasabak din siya sa action scenes, nag-training din ng parkour si Andrea.
"'Yung mga pamilya mag-e-enjoy silang panoorin siya habang kumakain sila 'yung ganun 'yung pam-bonding talaga lahat makaka-relate," ayon sa sexy actress.
Pagdating sa trabaho, hanga pareho sina Janine at Andrea kay Alden.
"Magandang lider siya kasi ang gaan-gaang ng aura niya kahit na anong oras talagang nakangiti," ayon kay Andrea.
"Mahusay talagang artista si Alden," ani Janina. "Nakita ko 'yung mga eksena niya na naka-costume siya exciting at sigurado ako na magugulat din 'yung mga manonood." -- FRJ, GMA News
