Alamin kung sino sa mga paboritong Kapuso celebrities ang takot sa ahas, daga, ipis at pati na sa lugar na masikip.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, inamin ni Rocco Nacino na malaki ang takot niya sa daga mula pa noong pagkabata niya.

"Nakahuli kami ng daga na sa bahay, at 'yung daga na 'yun ay gumapang paakyat nang binti ko. Simula nu'ng time na 'yon at bata pa ako no'n, nagkaroon na ko ng fear sa mga daga," kuwento niya.

Sa ahas naman takot ang komedyanteng si Tekla dahil muntik na raw siyang matuklaw ng kobra noong bata pa siya.

"Nangunguha kami ng bayabas nu'ng bata, and then nu'ng pagbaba ko, nakaganu'n na siya sa ibaba. So parang hinahabol talaga ako, 'yung parang ginaganu'n niya. Kaya sobrang paakyat-akyat ako," pagbabalik-tanaw niya.

Sa ahas din takot sina Gabbi Garcia at Kim Domingo.

"Ayoko talaga ng snakes. Hindi ako comfortable to be around snakes," saad ni Gabbi.

Natatawang kuwento naman ni Kim, "Dati sa tinitirhan namin nu'ng bata pa ko meron sa kisame. So that time, grabe, sobrang takot na takot ako."

Ang Kapuso actor na si Benjamin Alves, aminadong sobra ang takot niya sa palaka.

Habang sa ipis at bulate naman mayroong phobia si Julie Anne San Jose

Ang "Kambal, Karibal" star na si Kyline Alcantara, takot sa masisikip na lugar.

"Takot po ako sa mga masisikip na places. Hindi ko po kaya 'yon. Hindi po ako nakakahinga," saad niya.

Ayon sa psychologist na si Dra. Aida Perez, normal lang sa tao ang magkaroon ng phobia pero mayroon namang paraan upang mawala ang takot sa isang bagay.

"The old method, that is what we use, we call systematic desensitization na pinapa-relax 'yung tao habang papalapit du'n sa kinatatakutan niya," paliwanag ng doktor.

"Or puwede naman din, cognitive therapy, binabago ang iyong pananaw sa isang bagay na wala namang nakakatakot diyan," dagdag niya.-- FRJ, GMA News