Sinagot ni Kapuso star Dave Bornea ang tanong kung may plano ba siyang umalis sa Kapuso boy group na One Up, dahil na rin sa tingin ng ilang fans na mas "nakakaangat" na siya kaysa iba niyang kasama.
The Kapuso boy band One Up dances at the tune of Can’t Stop the Feeling as they hold their first major concert “All in One Up” on Aug. 24, Skydome. @gmanews pic.twitter.com/QLNLgkBxPl
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) July 11, 2018
"Nagpapasalamat po ako kung 'yun 'yung nakikita nila. Pero para sa akin naman po, dito po ako nagsimula eh. So hindi ko kaya na iwan ang mga kasama ko. Kasi sa lahat ng mga pinagdaanan ko, kasama ko sila," sabi ni Dave sa press conference ng kanilang "All In One Up" concert sa Quezon City nitong Miyerkoles.
"Sa training, sa rehearsal. Lahat ng mga pinapakita kong talent, dahil sa kanila po 'yon, dahil sa mga training namin. Mas lalo akong motivated, inspired," pagpapatuloy ni Dave.
Napanood si Dave sa ilang Kapuso shows na "Alyas Robin Hood," "Meant to Be," "The One That Got Away," bukod pa sa ilang guestings. Dahil dito, hindi maiwasang isipin ng ilan na mas "sumisikat" na siya kaysa sa mga kasama niya.
Noong Mayo, kasama rin si Dave sa sexy at nakakatawang concert na "Oh, Boy! & Oh, LOL!" kung saan nakipagsabayan siya kina Rocco Nacino, Derrick Monasterio at Jak Roberto.
Pero ayon kay Dave, iba raw ang masasaksihan at tiyak na mag-e-enjoy din ang mga manonood sa kanilang "All In One Up" concert.
"Sa 'Oh Boy!' nakikipagsabayan ako sa kanila eh, that was a different thing. Pero here, ako nagri-represent as a group so gusto kong ipakita na kaming magkakaisa. Pero 'yung mga sayaw, performances namin, gagawan namin ng twist na hot siya, maganda siyang tingnan, sabay-sabay kami," ayon kay Dave.
Mapapanood ang "All In One Up" sa Agosto 24 sa Skydome, SM City North Edsa.-- FRJ, GMA News
