Pinatunayan ng isang 59-anyos na examinee na kabilang sa mga pumasa sa 2025 Bar Exams na may pag-asa habang may buhay. Nakamit niya ang kaniyang pangarap na maging abogado matapos ang 11 ulit na pagsusulit na nagsimula noong 20’s pa lang ang edad niya.

“Sa mga iba diyan. Try lang. Hangga't buhay may pag asa,” ayon kay Eduardo Rivera Regio, na kabilang sa 5,594 na nakapasa sa Bar.

Ayon sa Korte Suprema, umabot sa 11,420 ang lahat ng kumuha sa naturang tatlong araw na pagsusulit.

Unang beses na kumuha si Regio ng Bar noong 1993 noong nasa 20s pa lang ang edad niya. Hanggang sa mapagdesisyunan niya na magiging huling tangka na niya sa pagiging abogado ang 2025 examinations.

“1993, kumuha lang ako for the sake of taking. Then until 2005 nung na five strike, ‘yon ‘yung huling kuha ko. Nag-take ulit ako in 2015, but unluckily, 72.93%. Then sumunod, ganoon ulit, nag try ako 2023, but 73.940 something,” kuwento niya.

“Sabi ko bigyan ko ng last try. Kasi sabi ko kahit papaano, hindi ako masyadong nakapaghanda noon. Tinuloy ko nag-request ako sa PUP, nag-review ako doon. Then pinagkatiwala ko na sa Diyos. Kung ibibigay mo, ibibigay mo. ‘Pag hindi wala na akong magagawa,” dagdag niya.

Umaasang papalarin, muling bumalik si Regio sa SC headquarters pagkaraan ng mahabang panahon upang hintayin ang resulta ng pagsusulit, at hindi siya nabigo.

Nang tanungin kung ano ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon upang patuloy na subukan ang Bar, sinabi ni Regio na iniisip niya ang kaniyang limang anak at kung maaari silang ma-inspire na sundan ang kaniyang yapak.

“Ang mensahe ko lang, ipagpatuloy ninyo lang ‘yung pakikipaglaban sa buhay. Habang may buhay, may pag-asa. 'Wag tayo mawawalan ng ano… magtiwala lang tayo sa Diyos,” saad niya.

Binigyang-diin din ni Regio na dapat may disiplina ang mga opisyal ng pamahalaan.

“Kailangan talaga ultimo ang public servant magkaroon ng disiplina. Hindi ‘yung puro— kasi ang pagiging makasarili ng mga namumuno sa atin nawawala na ‘yung ano eh. I am a former public servant, matagal ako naging opisyal,” pahayag ni Regio na kasalukuyang empleyado ng Land Bank of the Philippines.

— Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News