Inanunsyo na ipalalabas sa Kapuso network sa Oktubre ang kauna-unahang Filipino anime series na pinamagatang "Barangay 143," na tampok ang paboritong laro ng mga Pinoy— ang basketball.
Istorya ito ng isang binatang Koreano na naghahanap sa kaniyang ama at mapapadpad sa Pilipinas. Dahil dayuhan at hindi alam ang gagawin, makikilala niya ang isang basketball team na walang hangad kundi magbigay ng karangalan sa kanilang barangay.
Dito matatagpuan ng Koreano ang mga bago niyang kaibigan at mararamdaman ang pagiging miyembro ng isang pamilya.
Magsisilbing backdrop ng series ang Tondo, Maynila.
Bukod sa TV series, meron na ring "Barangay 143 Street League" mobile game na puwedeng laruin sa mga cellphone. Maaari itong i-download sa Google Play Store o iOS App Store.
Ang naturang anime series ay co-produced ng Synergy 88, TV Asahi ng Japan at August Media Holdings ng Singapore.
Tampok din sa anime series ang mga kanta ng mga sikat na Pinoy artist tulad nina Gloc-9, Shanti Dope at Julie Anne San Jose.
Masaya naman ang Kapuso Network na ito ang magpapalabas ng kauna-unahang Filipino anime series.
"GMA has always been known to support anything that champions Filipino talent and promotes our culture. We are immensely proud to be the network carrying the first Filipino drama series," saad ni Joey Abacan, First Vice President of Program Management ng GMA Network, sa isang pahayag.-- FRJ, GMA News
