Bilang bahagi ng ika-40 anibersaryo ng longest-running noontime show na "Eat Bulaga," mapapanood simula bukas, Sabado (July 28), ang kauna-unahang horror-comedy tele-movie na "Pamana."

Ang naturang short film ay pinangungunahan ng "pamilya nunal" sa barangay na sina Maine Mendoza, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, at Jose Manalo, na nagsilbi ring direktor.

Espesyal na proyekto ito kay Jose dahil ito ang kaniyang kauna-unahang short film bilang isang direktor.

Labis ang pasasalamat ng JoWaPao at ni Maine dahil napabilang sila sa ika-40 taong anibersaryo ng "Eat Bulaga."

"Wala talaga sigurong umabot sa ganitong katagal, at makasama ka, malaking karangalan 'yun para sa amin," sabi ni Jose sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

Sabi naman ni Wally, "Siyempre masaya kasi umabot kami ng ganu'ng taon and we're still looking forward for more."

Sinabi naman ni Paolo na hindi lang nagpapasaya ng mga tao ang programa kung hindi nakatutulong din.

Para naman kay Maine, "Ako naman forever grateful sa 'Bulaga' kasi sila 'yung nagbigay ng pagkakataon sa akin para makapasok dito sa showbiz." -- FRJ, GMA News