
Nakatrabaho na raw ni Andrea Torres si Alden Richards sa ilang shows ng Kapuso network gaya ng "My Beloved" na 2012 ipinalabas. Kaya naman labis daw ang saya nang malamang makakasama siya sa bagong proyekto ng aktor na "Victor Magtanggol."
Sa nakaraang grand presscon ng bagong GMA prime-time series na "Victor Magtanggol,' na magsisimula nang mapanood sa Lunes, July 30, walang malinaw na ipinakilalang leading lady o magiging love interest ng karakter ni Alden sa serye.
Ang mga Kapuso na sina Andrea at Janine Gutierrez ang lumalabas na makakapareha ni Alden.
Pero nang tanungin namin si Andrea kung isa siya sa mga leading lady, ibang klase raw ang tandem nila rito ni Alden.
"Partner siguro in a way dahil tinutulungan ko nga siya, gina-guide ko siya."
Wala silang love angle?
“Wala naman pong love angle,” saad niya.
Biniro namin si Andrea kung relieved ba siya na wala silang love angle ni Alden.
Simula kasi noong naging kalahati si Alden ng AlDub, ang love team nila ni Maine Mendoza, ay naba-bash ang mga aktres na nali-link o naipapareha sa Pambansang Bae.
"Hindi naman relieved, parang ano lang, parang sinusundan ko lang ang script," natawang sabi niya. "Hindi ko naman siya iniisip. Hindi ko naman siya pinoproblema."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Andrea sa grand presscon ng Victor Magtanggol noong July 22, sa Studio 6, GMA Annex Building.
Hindi maikakaila na nagkaroon siya ng mga bashers noong ginawa niya ang "Alyas Robinhood."
Takot na ba siyang maulit yun?
"Ay hindi, I don’t let it affect my work. At saka ayoko namang sabihing ayoko nang gawin ito kasi, meron na akong limitation. Basta kung may work na ibigay, kukunin ko yun. Ang hirap maging artista."
Dugtong pa ni Andrea, "Ang hirap ng mga pinagdaanan ko para mapagkatiwalaan ako ng mga roles.
"Wala ako sa posisyon para gawin ko yun. At saka, feeling ko, hindi yata ako makakatulog sa gabi kapag ginawa ko yun, di ba? Trabaho na ang lumalapit sa iyo, aayawan mo pa. Blessing yun."
Nasa mundo ng gods and goddesses si Andrea bilang si Sif, ang huling asawa ni Thor. Siya rin ang magbibigay sa main character na si Victor Magtanggol ng kapangyarihan ni Thor, at magtuturo kay Victor kung paano niya gagamitin ito.
Inspired ng Norse mythology ang Victor Magtanggol, pero iba raw ang interpretasyon nito sa Thor ng Marvel.
"Iba naman po ito at ang explanation talaga, puwede naman siyang—example yung Alyas Robinhood, puwede mong kunin yung Robinhood at ito naman, puwede mong kunin yung Thor.”
Nagkasama na raw sila ni Alden sa ilang shows ng Kapuso network gaya ng "My Beloved" na 2012 ipinalabas.
Kaya natuwa raw siya nang malamang makakasama niyang muli ang Pambansang Bae.
"Natuwa ako kasi, kahit na matagal ko na siyang hindi nakikita, after ng lahat ng success niya, kung ano siya noong nakatrabaho ko siya noon, ganun pa rin siya ngayon, as in parehong-pareho yung kulit, pagka-makuwento, at saka, hindi siya nagrereklamo."
Sabi pa ni Andrea patungkol kay Alden, "Alam mong pagod siya, pero hindi siya magsisimangot, wala kang maririnig na negative sa kanya, so nakakahawa.
"Kahit 3 a.m. na, haping-happy pa rin kaming lahat. He’s a good leader talaga."-- For the full story, visit PEP.ph
