May bagong pelikula na ginagawa ang Kapuso actor na si Dennis Trillo. May gagawin din siyang bagong serye kung saan makakasama niya ang Primetime King na si Dingdong Dantes.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing sinimulan na ni Dennis mag-shooting para sa pelikulang "One Great Love" sa Regal Films.

Plano raw sana ni Dennis na huwag nang tumanggap ng bagong pelikula pero nakita niya na maganda ang istorya nito kaya niya tinanggap.

"Ayoko na sanang magdagdag ng load pero nu'ng nabasa ko 'yung script, sabi ko magandang opportunity 'to," anang aktor.

"Ang role ko rito si Ian. Siya 'yung ideal boyfriend na matino. Kung bakit one great love, kailangan panoorin," dagdag ni Dennis.

Pagkatapos ng pelikula, sisimulan naman ni Dennis ang bago niyang series sa GMA na kasama si Dingdong,  na dati na rin niyang nakatrabaho sa "Twin Hearts" at "Endless Love."

Pero kakaiba raw ang bago nilang proyekto ni Dingdong na heavy drama at may halong aksyon. -- FRJ, GMA News