Labis ang tuwa nang magkasunod na birthday celebrants na sina Kapuso stars Barbie Forteza at Derrick Monasterio nang sorpresahin sila ng produksiyon ng kanilang series na "Inday Will Always Love You." Alamin ang kanilang wish sa sarili at para sa isa't isa.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing nagdiwang si Derrick ng kaarawan nitong Miyerkoles, habang nitong Martes naman si Barbie.
"Sobrang saya and nakakatuwa kasi talagang kitang-kita namin 'yung love sa amin ng 'IWALY' family," ani Barbie.
"[Happy na] happy kasi sobrang mararamdaman mo talaga 'yung mga, lahat talaga binabati ka," ayon naman kay Derrick.
Hiling ni Derrick, sana makabili siya ng sariling bahay at si Barbie naman, wish ang patuloy na kaligayahan sa buhay.
May wish din para sa isa't isa ang mag-on screen partners.
"Ngayon, alam ko namang very happy siya ngayon sa buhay niya in general. Sa career niya, sa family niya, sa achievements niya in life. So sana lang magtuloy-tuloy yon," wish ni Barbie kay Derrick.
"Lahat kasi ng blessings na kay Barbie na, so sana ma-maintain lang 'yun and mas umangat pa, mas umangat pa siya in terms of..." sabi ni Derrick. "Height, ganon?" pabirong singit ni Barbie.
"Hindi! In terms of star quality," pagpapatuloy ni Derrick.
Kaabang-abang pa raw ang mangyayari sa "Inday Will Always Love You."
"Malalaman natin kung babalikan ba ni Happylou si Patrick sa Cebu," anang aktres.
"Dapat po nilang abangan kung, mas mananaig ba 'yung relationship, kung gaano ka-strong yung relationship ni Happylou and Patrick amidst all the troubles," sabi ni Derrick.
Samantala, sweet na sweet din ang real-life boyfriend ni Barbie na si Jak Roberto nang sorpresahin niya ang aktres.
"Lakas maka-first date eh. Happy birthday @barbaraforteza" pagbati ni Jak, habang inaabot ang cake, balloons, at malaking teddy bear sa kasintahan.
"Eeehhh!!! Thank you sa pa-surprise! Sweet ka?! ? Happy birthday to me! ?" tugon ni Barbie, na nagpost din ng parehong video sa Instagram.
Kinumpirma ni Barbie na naka-isang taon na silang magkasintahan ni Jak. -- Jamil Santos, GMA News
