Hindi umano naipigilan ng dating child actor na si CJ Ramos na maging emosyunal nang mapag-usapan ang mga leksiyon na kaniyang natutunan dahil sa paggamit ng droga makaraang maaresto ng mga pulis sa Quezon City.
Hindi umano naipigilan ng dating child actor na si CJ Ramos na maging emosyunal nang mapag-usapan ang mga leksiyon na kaniyang natutunan dahil sa paggamit ng droga makaraang maaresto ng mga pulis sa Quezon City.
READ: Ex-child actor na si CJ Ramos, huli sa droga; may mensahe sa mga artistang nagdodroga
Sa artikulong isinulat ni Arniel Serato sa PEP.ph nitong Biyernes, sinabi ni CJ na isang taon na umano siyang tumigil sa paggamit ng droga. Pero natukso lang daw siya na muling gumamit nang araw na maaresto siya sa buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad.
Hindi talaga si CJ ang pakay ng operasyon kung hindi ang taong kinukunan niya ng droga sa Tandang Sora, Quezon City, noong Martes ng gabi, July 31.
Kailangan daw niya ng pampalakas ng katawan noong gabing nahuli siya kaya siya nagtangkang bumili ng shabu.
“Maglalaba talaga ako nun, sakit ng katawan ko, e, kailangan ko ng pampapalakas,” pahayag ng 31-anyos na aktor na napanood sa pelikulang Tanging Yaman.
Inamin din umano ng aktor na ilang taon na siyang gumagamit ng droga nang tumamlay ang kaniyang showbiz career at bunga na rin ng nararamdaman niyang lungkot at mga problema.
“Siguro yung sa hirap ng buhay, problema, at saka sobrang addictive talaga itong droga na ito," saad niya.
Ayon pa sa dating aktor, natakot din siya sa kampanya ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga.
“Natakot siyempre. Buti nga humihinga pa ako ngayon,” aniya.
Bagaman sinasabi ng pulisya na may iba pang artista na gumagamit din ng droga, inihayag ni CJ na wala siyang alam kung sino ang mga ito.
Pero mensahe niya sa mga tulad niyang gumagamit ng droga,"Huwag niyo nang subukan, kung may chance pa kayo, itigil niyo na."
“Itigil niyo na iyan. Bahala kayo sa buhay niyo. [Huwag niyo] sayangin ang buhay niyo,” dagdag niya. -- FRJ, GMA News
