Sa release ng bago niyang album na "Breakthrough," inihayag ng Kapuso star na si Julie Anne San Jose na isa sa kaniyang mga kanta, dedicated sa kaniyang boyfriend na si Benjamin Alves.

Sa isang press conference nitong Biyernes sa Quezon City, tinanong si Julie Anne kung may ginawa ring collaboration si Benjamin.

"Wala eh, except for the fact na isa sa mga songs ko para sa kaniya. It's sort of a collaboration kasi nando'n siya, like he's part of the song," sabi ni Julie Anne sa panayam sa kaniya ng mga GMA-7 reporters.

 

 

Tintutukoy ni Julie Anne ang kantang "Ways", isa sa dalawang kanta sa "Breakthrough" na siya ang nag-compose ng lyrics. "Antagal ko na kasi siyang sinulat, last year pa tapos I just decided to put it in the album," ani Julie Anne.

Kinilig naman kaya si Benjamin? "Sana! Ha ha ha" natatawang sagot ng Kapuso singer-actress.

Mahilig magsulat ng mga tula si Benjamin at nang sinubukan nitong kumanta, inamin ni Julie Anne na gusto niya rin ang boses ng kaniyang boyfriend.

"He writes poems. Sabi niya, 'Gusto kong kumanta.' But whenever I hear him sing, I like his voice though, I like his voice."

Songwriting process ni Julie Anne

Ikinuwento naman ni Julie kung paano siya naging hands-on sa album.

"'Yong ibang mga songs na sinubmit nila sa akin... actually no'ng sinend nila sa akin 'yong demo I liked it already. Sabi ko, 'sige ipasok natin sa album.' Naging hands-on din ako kung paano ang attack dito sa song na ito or kung paano 'yong arrangement.

"So I sent them different picks. Nag-pick ako, ganito, ganiyan, this is what I want, kung ano 'yong gusto kong tunog niya. Add some elements," aniya.

Hilig talaga ni Julie Anne ang pagsusulat, hindi lang para sa sarili kung hindi pati sa ibang tao.

"Ever since naman talaga mahilig na akong magsulat. It started no'ng very, very first album ko. So do'n ako nag-try na magsulat. And then I liked it already, sabi ko gusto ko nang magsulat pa. Like hopefully, gusto kong magsulat din for other artists, for other singers din."

"Kunwari wala na ako sa showbiz or kapag hindi na ako singer, gusto kong magsulat, gusto kong mag-compose for other people, gusto kong magbigay ng kanta sa kanila," dagdag ni Julie Anne.

Iba't ibang karanasan ang pinanghuhugutan ni Julie Anne sa kaniyang mga komposisyon.

"Iba-iba eh, iba-iba talaga. Minsan halo-halo like based from experience. 'Yong iba, minsan may mga friends ako na nagkukuwento sa akin na 'Julie ganito nangyari sa akin.' Or random na kuwentuhan.

"From there, nakakakuha ako ng idea. When I write songs, it doesn't mean that it always has to come from my own experiences. Kumbaga, I also base it do'n sa experiences ng ibang tao din or just the concept of the theme of the song," ani Julie Anne.

Paliwanag niya, "For example itong 'Tayong Dalawa.' Hindi siya applicable for me, ngayon or no'ng sinulat ko siya. But someone, like a friend shared a story sa akin. sabi niya 'Ganito nga ang nangyari, long-distance.' So I just though of writing a song about long-distance relationships."

Ang "Breakthrough" ang kaniyang kauna-unahang album ni Julie Anne sa Universal Records. — AT, GMA News