Naghahanda na sina Dingdong Dantes at Dennis Trillo sa pagsasamahan nilang bagong Kapuso series na "Cain At Abel." Ang kuwento ng serye ay tungkol sa magkapatid na nagkahiwalay at kalauna'y magiging mortal na magkalaban.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing pinaghalong family drama na may kasamang aksyon ang maaasahan sa upcoming series.
"Excited ako na gagawa ako ulit ng mga eksenang ganoon na ibang timpla naman," saad ni Dennis.
Huling nagkasama sa isang serye sina Dingdong at Dennis noong 2010 sa Korean drama adaptation na "Endless Love."
"Sa pagkakaalam ko kasi 'yung konseptong ito ay matagal na sa GMA. So puwedeng naibigay ito sa ibang artista in the past and I think naantay niya yung tamang panahon na kaming dalawa ni Dennis ang gumanap. So masayang- masaya ako," ayon kay Dingdong.
Sa ginanap na story conference ng serye, sinabing malayo sa mga biblical characters ang plot ng "Cain At Abel" at hindi rin daw hango sa 1982 classic Lino Brocka film na pinagbidahan nina Philip Salvador at Christopher de Leon.
Kasama rin sa serye ang dalawa sa pinaka-seksing Kapuso leading ladies na sina Solenn Heussaff at Sanya Lopez, na masayang-masaya rin na napabilang sa malaking proyekto.
"Big challenge. Baka isa sa pinakamalaking challenge ko sa soaps by far here in GMA, but I'm ready," sabi ni Solenn.
Si Sanya, itinuturing best gift na natanggap ngayong taon ang pagkakasama sa serye dahil makakatrabaho niya ang malalaking Kapuso leading men.
"Until now hindi pa rin ako makapaniwalang part ako dito," masaya niyang pahayag.--FRJ, GMA News
